Mga Baliw na Manunulat

La Familia Adiktus 1: My Fiancé is a Vampire (Prologue, Part 2)

Picture

By: Zaira King




        Pinigilan ni Romina ang maiyak. Hanggang sumakay siya ng bus ay pinanatili niya ang kanyang lakas ng loob. Ni hindi siya lumingon manlang. Dali-dali siyang umupo pagkatapos ay ipinikit ang kanyang mga mata. Unti-unti nagbabalik sa kanya ang mga alaala ng kanyang masayang kabataan sa Ketong Colony. Ang mga puno ng mangga, atis, santol at kaimito na inakyat niya noon. Ang mga naging parte ng kanyang buhay bilang isang bata. Ang paglalaro nila ng kanyang mga kaibigan ng patintero, piko at taguan. Wala siyang kilalang ibang tahanan. Wala siyang tatawaging tahanan kundi ang Ketong Colony. At alam niyang kahit saan siya dalhin ng kapalaran. Ang maliit na barong-barong na iyon na iniwan niya kanina, ang tahanan kung nasaan ang kanyang inay, itay at mga kapatid, ang tanging tahanan na kikilalanin ng puso niya.

        Drama mode talaga si Romina habang unti-unting napupuno ang bus. Paraan din niya iyon para makaiwas siya sa paniningil ng konduktor. Siyempre kung pang Famas ang performance niya with matching bula pa ng bibig habang umiiyak at kumakain ng nilagang itlog, malamang hindi siya lapitan ng konduktor. Kung pumalya ang akting niya, nandiyan pa naman ang tulug-tulugan school of acting.

        Nang dumaan at mapatingin sa kanya ang kundoktor ay nagkunwari siyang naghahalungkat sa kanyang bag. Sige kalkal lang si Romina nang biglang….nahulog ang kanyang pang Monday na panty. Well hindi lang exclusive na pang Monday ang panty niya na iyon dahil minsan tatlong magkakasunod na araw niya kung gamitin iyon. Kapag may nakakapuna na suot parin niya ang kanyang Monday panty kahit sabado na…Sinasabi nalang niya na favorite niya ang Panty na iyon at tatlo ang ganoon niyang panty. So ayun nga nahulog ang panty niya sa dura ng katabi niyang mama na sira ang kaliwang mata. Hindi alam ni Romina kung ano ang trip ng katabi niya. Maliban kasi sa tadtad ng muta ang kaliwang mata nito ay mahilig pa itong dumura. Na-shock ng todo si Romina nang makita niyang sumasayaw ang tinga ng kangkong at bagoong sa buhok ng babae sa harap nila matapos dumahak ang katabi niya pero hindi na siya nagsalita pa at baka sumiklab pa ang digmaan ng lalaking sira ang kaliwang mata at ng babaeng oily ang noo sa harap niya.

May kasama palang nahulog ang Monday panty niya. Isang papel. May sulat? Kanino galing iyon? Sigurado siyang hindi galing sa nanay niya dahil hindi iyon marunong magsulat. Hindi rin sa tatay niya dahil mas bet ng tatay niya ang magtext. Baka sa kapatid niyang apat na taon na sa grade six? Dinampot niya ang sulat pagkatapos ay binasa.

Dir Rommmewnah, (Wow! Hanep sa spelling ng pangalan niya)

Hebaang benabasa mo ang soolat kong ito ay malamang nasa Maaynela ka na. Akow ito ang inay mow. Nagolat kka ba? Maroonung na ako magsulat anak? Nagsikappp talaga akowng ma22 kasi naiicip ko malalayooo ka sa amen at mamimiesh kita anak. Pagpacensiahan mo na ang inaaay mong looka-lookaaa. Gus2 ko kasi kaheet malayo ka na…Magkaka-owsap pa rin tayo…I lab u anak…

Naiyak nang bongga si Romina sa nanay niya. Kaya pala nitong mga nakaraang araw ay madalas itong tumatambay sa day care center sa tabi ng simbahan. Nag-aaral pala itong magbasa at magsulat. Ah! Kiber kung ang panty niyang pang Monday na may dura ng mamang sira ang kaliwang mata ang pinangpupunas niya ng feslak niya. Hindi mapigilan ni Romina ang maiyak. Kaya umiyak siya nang umiyak. Iyak lang ng iyak. Hanggang sa magdesisyon ang konduktor na sirain ang drama moment niya.

“Iha may ticket ka na ba?” nagdududang tanong ng konduktor sa kanya.

Bingi-bingihan school of acting ang drama ni Romina. Mas lalo pa niyang nilakasan ang iyak niya.

“Inay! Inay!” ang mapait na sigaw niya na sinamahan ng paglulupasay sa upuan niya.

“Inay! Bakit inay! Bakit hindi mo ako pinakinggan? Ah! Ah! Tubeeeeeegggg!”

Sa pagkakataong iyon ay lumi-vel-up na ang drama ni Romina. Himatay-himatayan school of creative acting na siya.

Kesyo sanay na ang kundoktor sa mga katulad ni Romina, hindi niya binili ang pang- Pasan Ko Ang Daigdig akting ng dalaga. Hinablot niya ang bag ng babae pagkatapos ay hinagilap ang pera nito. Nang makuha ang kanyang pakay ay marahas na inihagis nito ang bag sa pagmumukha ng OA sa pagkahimatay na si Romina.

“Ang dami mong akting girl! Hindi mo ako madadaan sa ganyan!” naiiritang sigaw ng konduktor bago ito lumipat sa ibang pasahero.

Ngayong nabawasan ang perang dala ni Romina ay bigla siyang kinabahan. Paano niya hahanapin ang swerte niya sa Maynila kung 150 nalang ang pera niya? Muli ba siyang babalik sa kanyang hobby noong grade 1 palang siya na pangho-holdap ng mga bumbay?

Waring isang tugon mula sa langit. May nahulog mula sa bulsa ng kanyang bag. Isang sulat ulit. Kanino naman kaya galing iyon? Dinampot iyon ni Romina.

From Bumbay” ang nakalagay sa Hello Kitty na envelope. Wow! Sinulatan siya ng bumbay na hinoldap niya nung grade 1 pa siya!

Oo Romina, sinulatan kita – pambungad na salita sa liham ng bumbay.

Alam mo ba kung bakit? Malamang hindi mo alam. Well to tell you the truth Romina, crush kita. Oo na, gets ko na hindi mo ako type. Pero sasabihin ko pa rin na mula noong grade 1 ka pa ay crush na kita. Napakaganda mo sa iyong Jollibee na bag at napakasexy mo sa suot mong pang first communion noong nasa grade 3 ka. Anyway, kaya ako sumulat ay dahil nalaman ko na pupunta ka ng Maynila. Gusto ko lang sabihin sa iyo na may kakilala ako sa Maynila na naghahanap ng kasambahay. Kung interesado ka ay puntahan mo nalang ang address na isinulat ko sa likod ng suot mong t-shirt ngayon. Love, Bumbay.

Ito na ba ang sagot sa panalangin ni Romina? Paano kung may mayamang matandang Don ang naghihintay sa kanya sa address na ibinigay ni Bumbay? Iyon na ba ang opportunity niya na makapag-asawa ng mayamang, matanda na madaling mamatay? Ilang taon na si Madam Auring? Bakit biglaan ang pagtatapos ng Machete? Bakit walang adam's apple si B1 at si B2? Bakit isang panty lang ang dala niya? Iyan ang mga tanong na gumugulo sa isipan ni Romina.










    Leave a comment