Mga Baliw na Manunulat

La Familia Adiktus 1: My Fiancé is a Vampire (Prologue, Part 1)

Picture

By: Zaira King


“Inay, Itay, Forget me not.”

Iyan ang madramang parting words ni Romina Ngusngos-Balisawsaw sa kanyang mga magulang bago siya sumakay ng bangka na magdadala sa kanya sa kabayanan kung saan siya sasakay ng bus papuntang Maynila. Labing-siyam na taong gulang lamang si Romina. Mulat sa kahirapan at sa dusa ng buhay kaya naman hindi niya natapos ang kanyang pag-aaral. Pero puno siya ng pangarap at ambisyon. Kaya naman matapos mabigo sa pag-ibig nagdesisyon siyang hanapan ang swerte sa Maynila.

“Kung hindi ako pupuntahan ng swerte, ako ang maghahagilap sa kanya,” matapang na saad ni Romina sa kanyang mga magulang, habang nakatayo sa labas ng simbahan noong nagdaang araw ng linggo. Nakadamit pangluksa siya with matching itim na belo, itim na burdadong bestida, itim na stockings at sandals na kulay neon pink. Pinigilan niya ang maluha habang tinitingnan ang napakalaking banner sa labas ng simbahan.

Longlong-Talong and Kiri-Motmot Nuptial

Nanasok ang labis na lumbay sa puso ni Romina. Pinagtaksilan siya ng kanyang nobyo na si Richard Raymond “RR” Longlong-Talong at ng kanyang BFF in the whole wide world na si Pepsi Sarsi “Cola” Kiri-Motmot. Matagal na palang may lihim na ugnayan at unawaan sina RR at Cola. At ito namang si Romina walang kaalam-alam na her boyfriend and her bestfriend started a joke, and the joke was on her. Wala siyang nagawa kundi ang mag-look at the skies, running her hands over her eyes.

She started to cry, which started the whole world laughing. Habang nagse-senti siyang umiinom ng taho sa harap ng simbahan ay siya namang paglabas ng masayang bagong kasal kasama ang mga patay-gutom sa handaan nilang mga kapit-bahay. Naramdaman ni Romina ang puno ng pagmamahal na dampi ng palad sa kanyang balikat. Nagpilit siyang ngumiti pagkatapos ay nagwika:

“Inay, okay lang ako. Matapang ang anak mo. Hinding-hindi ako iiyak. Palaban si Romina Ngusngos-Balisawsaw. Babangon ako at dudu – “

“Ineng ‘yung bayad mo sa taho – “ pakli ng taong humawak sa kanyang balikat. Lumingon si Romina, wala ang kanyang mga magulang sa tabi niya. Sa sobrang galit niya ay naihagis niya ang plastic cup na naglalaman ng taho.

“Aray!” sigaw ng metro aide na nahilamusan ng taho.

Hinambalos ng metro aide ng walis si Romina, pero hindi ko na ikukwento dito kasi hahaba lang ang ating salitaan. Hindi ko na rin babanggitin pa na tinakbuhan ni Romina ang matandang nagtitinda ng taho. Ayoko na ikwento sa inyo ang mga iyan dahil hindi naman importante ang mga iyan…So balik tayo sa kwento

Hindi malaman ni Romina kung iiyak ba siya o maglulupasay sa bangka habang tinitingnan niya ang papalayong imahe ng kanilang Isla. Kakaiba sa lahat ng bayan sa Pilipinas ang bayan ng Ketong Colony. Bukod sa nakakadiri ang pangalan nito at pinangingilagan ang isla kahit na matagal nang walang nagkakasakit ng ketong doon, nakaukit parin sa kasaysayan ng Ketong Colony ang masalimuot nitong nakaraan. Mangyari kasi, noong panahon ng mga Kastila, ang isla ay naging tapunan ng mga taong may sakit na Ketong. Iyon din ang naging dahilan kung bakit kakatwa ang mga apilyedo ng mga tao doon. Kung may ketong ka at wala kang magawa sa buhay mo kundi ang pagmasdan na unti-unting nababawasan ang parte ng katawan mo, maglilibang ka nalang sa pamamagitan ng pagti-trip sa apilyedo mo. Iyon ang past time ng mga ninuno ng mga mamamayan ng Ketong Colony – ang babuyin ang mga apilyedo nila. Ni wala silang kamalay-malay na ipapamana nila ang mga mababantot nilang apilyedo sa kanilang magiging kaapu-apuhan.

Nagsasawa na si Romina sa mabantot niyang apilyedo. Sawa na siya sa araw-araw na pagtatanim at pagkain ng kamote. Nilagang kamote sa umaga, kamote fries sa tanghali, kamote-que sa gabi…Puro kamote nalang!

“Hindi ganito ang pangarap kong buhay!” minsang sigaw niya nang maubusan siya ng kamote-que. Lumabas siya ng kanilang bahay pagkatapos ay nagtungo sa baybayin. Doon sumigaw siya hanggang sa makakaya niya.

“Gusto kong makaranas naman ng kasaganaan. Gusto kong iwanan ang tagpi-tagpi naming barong-barong. Gusto kong magsuot ng magagarang damit. Ayoko na ng basahan. Gusto kong kumain ng masasarap na pagkain. Gusto kong magpakabusog hanggang sa hindi na ako makalakad. Gusto kong magkaroon ng magagarang sasakyan dahil pagod na pagod na ang puro sugat kong paa. Ayokong mamatay ng mahirap!”

Lumuluha siya pagkatapos niyang ibuhos ang lahat ng saloobin niya. Napakagat-labi siya sa sobrang sama ng loob. Bakit sobrang malas ng buhay niya? Bakit mas mahirap pa siya sa daga? Bakit hindi siya ipinanganak na mayaman? Hindin naman siya masamang tao. Hindi naman halang ang kaluluwa ng mga magulang niya. Bakit sila isinilang, tumanda at mamamatay na tirik ang mga mata? Hindi papayag si Romina na hindi manlang makaranas na kumain ng hamburger, spam at cheese whiz ang inay niya. Hindi siya papayag na hihina ang tuhod at tuluyang malumpo ang kanyang itay na hindi manlang nakakapag-suot ng Nike o Adidas at Body Bench na briefs. Gagawa siya ng paraan. Hahanapin niya ang swerte niya. Aalis siya sa kanilang isla at magpapakayaman sa Maynila. Buo na ang desisyon niya. Magiging mayaman siya. Mag-aasawa siya ng mayamang lalaki na mabango ang apilyedo.

“Lord, gogora ako! Rarampa ako sa Maynila ng bonggang-bongga! Bless me Lord!” Nakatingin siya sa langit, punung-puno ng pag-asa.










    Leave a comment