Mga Baliw na Manunulat

La Familia Adiktus 1: My Fiancé is a Vampire Chapter 6

Picture



By: Zaira King



Hindi akalain ni Romina na ganoon pala kalawak ang mansiyon ni Lord Alexus. Matapos niyang galugarin ang mga kwarto sa unang palapag ay umakyat naman siya sa sakdal lawak at engrandeng hagdan na yari sa marmol, patungo sa ikalawang palapag ng mansiyon. Bago siya umakyat ay napahinto muna siya upang hangaan ang hagdanan na iyon na tanging sa mga kastilyo sa telebisyon lamang niya nakikita. Muli siyang lumingon sa pinanggalingan niya. Bakit biglang parang pumasok siya sa kakaibang mundo? Sa isang mundo kung saan hindi siya nararapat. Nilunok niya ang kaba at pag-aalinlangan. Pagkapanhik niya ay una niyang ginalugad ang kaliwang bahagi, wala roon ang panginoon ng bahay. Sumunod sa ikalawang bahagi ngunit hindi rin niya nasumpungan si Lord Alexus.

Muli siyang pumanhik sa hagdan, ngayon ay patungo naman sa ikatlong palapag ng mansiyon. Isa-isa niyang binuksan ang mga pinto na nadadaanan niya sa mahabang pasilyo, lahat ng labing apat na mga pinto na magkakatapatan sa pasilyo. Hanggang sa umabot siya sa pinaka huling pinto, ang pinto sa dulo. Iyon ang pinto ng kwarto na nakatapat sa courtyard ng mansiyon.

“Lord Alexus…” mahinang sambit niya. Wala siyang naririnig kundi ang malakas na pagtibok ng kanyang puso habang hawak niya ang ginintuang tangan ng pinto. Pikit mata niyang binuksan ang pinto na yari sa inukit na makapal na molave.

Sinalubong siya ng nakahahalina at nakararahuyong amoy ng “dama de noche”, bulaklak na may kaakit-akit na halimuyak ngunit nakalalason. Kasabay niyon ay nalasahan niya sa kanyang labi ang tamis ng isang mansanas, isang isinumpang mansanas na kamatayan ang dulot.

“Mr. Wolf?” tanong niya. Hindi siya maaaring magkamali. Ang amoy na iyon, ang mabangong amoy na iyon – tanging si Mr. Wolf lang ang nagtataglay niyon. At ang tamis na iyon, ang tamis ng isang sumpa – tanging si Mr. Wolf lang ang nagdudulot niyon sa kanyang puso.

“Mr. Wolf?” muling tanong niya sa lalaking nakatayo malapit sa salaming bintana na abot mula sahig hanggang kisame.

“Romina?” Nakita ng dalaga ang pagkabigla sa mga mata ni Mr. Wolf.

“Anong ginagawa mo dito?” Napansin ni Romina ang mabilis na pagkilos ni Mr. Wolf upang ikubli ang kumikinang na bagay na hawak niya.

“Isa ba iyong patalim?” tanong ni Romina sa sarili habang nakatingin sa mukha ng lalaki. “Anong ginagawa niya dito, dito sa bahay ni Lord Alexus?

“Hinahanap ko po si Lord Alexus – “

“Lord Alexus?!” Kumunot ang noo ng lalaki kasabay ng pagtiim ng mga bagang.

“Kilala mo si Lord Alexus?!” tanong ni Mr. Wolf sa tonong hindi niya inaakalang maaring lumabas mula sa bibig ng lalaki.

“Bakit po?”

Mabilis na lumapit sa kanya si Mr. Wolf pagkatapos ay hinawakan siya sa braso. Medyo nasaktan siya sa higpit ng pagkakahawak sa kanya ng lalaki.

“Umalis na tayo dito.” Galit na anunsiyo ng lalaki. Kataka-taka para kay Romina ang ikinikilos ng lalaki. Sa totoo lang ay natatakot siya sa nakikita niyang galit sa mga mata nito.

Masyadong mabilis ang mga sumunod na pangyayari. Unang napansin ni Romina ang isang anino sa isang sulok ng silid na iyon. Nakita niya mula sa gilid ng kanyang mga mata ang pagkilos ng aninong iyon. Unti-unti itong lumaki hanggang sa tuluyan nitong nilukob ang buong silid.

“Mr. Wolf?!” sindak na tanong niya nang maramdaman niyang nawala ang pagkakahawak nito sa kanya. Nasa gitna siya ng kadiliman! Kahit saan niya ibaling ang kanyang tingin ay tanging kadiliman lamang ang nasusumpungan niya. Abot langit na ang kanyang takot at pagkataranta nang biglang walang anu-ano ay isang malakas na halakhak ang narinig niya.

“Sino iyan?” natatakot na tanong niya habang pilit na hinahanap ang pinanggalingan niyon. Mas lalong tumindi ang takot niya nang magpa ulit-ulit ang halakhak na iyon, halakhak na habang tumatagal ay mas lalong lumalakas. Napa-atras siya kasabay ng pagtutop sa kanyang dibdib nang masaksihan niya ang paglitaw ng isang katawan mula sa kawalan. Unti-unti ay nakita niyang nagkaroon ng hugis ang katawan na iyon na animo’y binabalu-baluktot. Nakapanghihilakbot na titigan ang matandang babae na nakatayo sa harapan niya, hindi dahil sa pangit nitong kaanyuan kundi dahil sa malalaki at hindi kumukurap na mga mata nito at sa napakalawak na ngisi sa labi nito na nagtatambad sa madidilaw nitong ngipin. Bayukos naman ang tindig nito na para bang binali ang mga buto nito sa likuran.

“Ikaw. Ikaw si Romina Ngusngos-Balisawsaw…” Alam ni Romina na sa matanda nagmula ang tinig na iyon kahit hindi niya nakitang nadura ang ngisi sa labi nito. Parang boses ng laksa-laksang tao ang naririnig niya kapag nagsasalita ang matanda.

“Ikaw. Ikaw si Romina Ngusngos-Balisawsaw…” muling ulit ng matanda. Ganoon na lamang ang panghihilakbot ni Romina nang makita niya na lumutang ang matanda, lumakad ito sa ibabaw niya nang nakabaliktad, nakatiwarik. Hindi siya makakilos habang nanlalaki ang mga mata na nakatingala sa matanda na ilang pulgada lamang ang layo sa kanyang mukha.

“Mamatay ka Romina Ngusngos-Balisawsaw! Dapat ay hindi ka isinilang sa mundong ito. Dapat ay hindi ka na nagbalik pa!” Umalingawngaw ang mga sinabing iyon ng matanda sa lahat ng dako, animo’y libo-libong tao na may iba’t-ibang boses ang sumisigaw niyon.

Muli ay nakita niyang nagbalik ang matanda sa kinatatayuan nito kanina. Unti-unti ay umikot ang ulo ng matanda pakanan. Nang ang batok na nito ang nakaharap kay Romina ay ang katawan naman nito ang umikot. Parang isang manika na binabalu-baluktot ang matanda hanggang sa tumamabad sa mga mata ni Romina ang isang magandang dalaga, isang dalaga na kawangis ng isang bagong namumukadkad na bulaklak. Kulay asul ang mga mata ng dalagang iyon na ang mahabang kulay dilaw na buhok ay umaabot hanggang sa talampakan.

“Kailangang mawala ka sa mundong ito Romina Ngusngos-Balisawsaw. Kailangang wakasan ko ang buhay mo. Hindi ka dapat magpatuloy pa. Kailangang pigilin kita. Kailangang hindi maganap ang nakatakda. Hindi ka na dapat isinilang pa. Hindi ka na dapat nagbalik…”

Hindi mahanap ni Romina ang boses niya. Wala siyang naiintindihan sa mga sinasabi ng babae.

Nabigla siya nang maramdaman niyang may mahigpit na humawak sa magkabilang braso niya. Pinaglipat-lipat niya ang tingin sa magkabila niya.

“P-p-aanong - ?!” gitlang tanong niya sa babae. Gusto niyang sumigaw pero walang lumalabas mula sa bibig niya.

“Isa kang taksil ______...” bulong ng babae sa kaliwa niya na kamukhang-kamukha ng babae sa harap niya at sa kanan.

“Alam mo ba ang mangyayari kapag nalaman nila na buhay ka _______?” tanong ng babae sa kanyang kanan. Naguguluhan si Romina. Bakit siya tinatawag na ______ ng mga babaeng iyon?

Bumabaon na ang mga kuko ng mga babae sa magkabilang braso ni Romina dahil sa higpit ng pagkakahawak ng mga ito sa kanya. Ang babae naman sa harapan niya ay unti-unting lumalapit sa kanya.

“Naamoy kita sa katawan ng babaeng ito ______,” wika ng babae pagkatapos ay nahintakutan si Romina nang masaksihan niya ang paglagos ng dalawang kamay nito sa katawan niya.

“Kailangang makuha ko ang lahat ng bahagi ng kaluluwa mo ______! Kailangang hindi nila mabawi ang – “

“Huwag!” sigaw ni Romina bago siya lukubin ng matinding sakit.

 Sino ang babaeng iyon at ano ang pakay niya kay Romina? May katotohanan ba ang lahat ng mga binitiwan nitong salita kay Romina? Saan napunta si Mr. Wolf? Nasaan si Lord Alexus? May magliligtas kaya kay Romina mula sa kapahamakang maaari niyang sapitin sa kamay ng mga babaeing iyon? Sino?







    Leave a comment