Mga Baliw na Manunulat

La Familia Adiktus 1: My Fiancé is a Vampire Chapter 6

Picture
Presenting: Lord Alexus

Lord John Alexus Maximillian Luccan Brettencourt, Count Hesse-Lamburg



By: Zaira King




Gumising si Romina kinabukasan na lumuluha. Panaginip lang ba ang lahat? Bakit ganoon na lamang ang kalungkutan na nakita niya sa mga mata ng lalaking iyon kagabi? At bakit sa bawat pagpatak ng lalaking iyon ay parang doble-doble ang sakit na nararamdaman ni Romina? Bakit gusting-gusto niyang tumakbo palapit sa lalaking iyon at yakapin siya at halikan hanggang sumikat ang araw? Paulit-ulit na binibigkas ng lalaki ang pangalan niya habang magkaharap silang dalawa. Wala sa kanilang dalawa ang naglakas ng loob na lumapit. Nakatayo lang sila doon nakatingin sa isa’t-isa, kahit na parang mamamatay na sila sa pagnanais na hawakan ang tao sa harap nila.

Humagulgol lang ng iyak si Romina. Parang nararamdaman na niya ang kalungkutang haharapin niya sa mga susunod na pagkakataon. Magkagayunman, kahit na masakit ang bawat pagkikita nila, nais pa rin niyang masilayan ang malungkot na mukha ang lalaking iyon. Nais niyang lumangoy sa mga malulungkot na mata nito, yakapin ang lalaki habang lumuluha ito.

Ang drama mo Romina! Pwe!


***

Habang umiinom ng Russian caravan tea si Kitty at kumakain ng scones, brownies, strawberry shortcakes at baklava ay uminit na naman ang dugo niya. Kumukulo ang dugo niyang lumapit sa tatlong labandra ng mansiyon.

“Hoy, mga tanga! Anong ginagawa ninyo!” galit na pinagsasabunutan niya ang magkakapatid na Gretchen, Marjorie at Claudine na paikot-ikot na naglalakad.

“Ay sorry po maam,” maamong tupang paumanhin ni Marjorie.

“May dumating po kasing sulat,” dugtong ni Claudine.

“Para po kay – “

“Kailangan ba laging dugtungan ang sagot ninyo, ha mga gaga!” isang umaatikabong sabunot na naman ang inalmusal ng magkakapatid. “Para kayong mga tangang paikot-ikot. Bakit kailangang lahat kayo nakahawak sa sulat habang naglalakad? Ano ba kayo? Daig pa ninyo si Voltron! Kailangan togetherness kayo sa pag-gawa ng lahat ng bagay!!! Eh kung paliguan ko kaya kayo ng muriatic acid!” mahaba ang sabunang walang banlawan na ginawa ni Kitty sa magkakapatid. Sinipat ni Kitty ang sulat.

Aba maganda ang sobre! Hindi lang yung basta-basta airmail na nabibili sa suki kong tindahan.”

Kanino yang sulat na iyan!” bulyaw na tanong niya.

“Para po kay Romina,” sabay-sabay na sagot ng mga katulong. Nagpantig ang tainga ni Kitty sa narinig. Mas lalong humaba ang sungay niya nang makita niya ang selyo na nakadikit sa sulat. Kinuyumos niya ang mga kamay sa pagpipigil na hugutin ang armalite na nakasukbit sa belt bag niya na puno ng granada.

“Kanino nga ulit iyan?” nagbabantang ulit niya ng tanong habang hinahasa ang hawak niyang samurai at paisa-isang tinatapat sa tangang magkakapatid.

“Ay sorry po,” pilit ang ngiting paumanhin ni Claudine.

“Hindi po kasi marunong magbasa si ate Gretchen eh,” palusot ni Marjorie.

“Para po pala sa inyo ito…” Nanginginig na inabot ni Gretchen ang sulat sa amo.

“Mabuti naman,” nakangising saad ni Kitty. Muli niyang tinitigan ang sulat. Walang duda nanggaling nga kay Lord Alexus ang sulat na iyon. Sumidhi ang galit niya para kay Romina.

Kaagad na sinikmuraan ng limang beses ni Kitty si Claudine habang sampu naman ang ibinigay niya kay Marjorie. Hindi na siya nag-aksaya ng panahon na gawin din iyon kay Gretchen dahil alam niyang matigas ang mabuhok na abs ng babae.

“Subukan ninyong ipagsabi ito, at talagang ililigpit ko ang pamilya ninyo sa Romblon!” banta ni Kitty.

“Ay wala po sa Romblon ang pamilya namin. Lumipat na po sila sa Block 34, Lot 4, Mabini Street, Tandang Sora, Quezon City. Doon po sila sa tapat ng Aling Mameng’s sari-sari store nakatira. Basta hanapin nalang po ninyo si aling Baby Amay Waray, yun po ang pangalan ng nanay namin. Bale ito po ang family picture namin, ito po ang tatay namin, nanay namin, tapos yung mga kapatid namin sina Rustom, Robin, Royet, Kier at Zoren.” sabad ni Marjorie.

“Ay tanga!” sabay na sambit ni Claudine at Gretchen habang salitang pina-paddle ang binti ni Marjorie.

Humahalakhak na lumakad palayo si Kitty. Kung ano man ang saya ni Kitty nang maagaw niya ang sulat ay siya namang pagkagulantang niya nang mabasa na niya ang nilalaman nito. Nanginginig siya sa galit habang paulit-ulit niyang binabasa ang mga nakasaad doon. Nagtatagis ang mga ngipin niya habang pinupunit niya ang sulat.

“Humanda ka sa akin Romina! Magbabayad ka ng mahal sa ginawa mo!”



***


“Romina!” humahangos na lumapit ang magkakapatid na Marjorie, Gretchen at Claudine sa dalaga na tahimik na naglilinis ng hagdan ng mansiyon.

“Romina, hindi ka maniniwala…Hinding, hindi. Maski ako hindi makapaniwala eh,” habol hiningang sabi ni Claudine.

“Bakit?” maang na tanong ni Romina. Hinawakan ni Marjorie ang mga kamay niya.

“Naku, Romina napakaswerte mo,” maluha-luhang sabi ni Marjorie.

“Ikaw na Romina! Ikaw na ang babaeng bukod na pinagpala sa ating lahat,” si Gretchen naman ang nagsalita. Talagang gustong-gusto ng magkakapatid na installment sila kung magdeliver ng balita. Si Romina naman ay waring sinisilihan na ang buong katawan sa sobrang pananabik sa balita ng mga kaibigan.

Anong swerte naman kaya ang pinagsasabi nitong mga ito? Tumama kaya ako sa ending? Namatay kaya ang bumbay na pinagkakautangan ko ng limang milyon? O baka naman…?

Namulagat ang mga mata ni Romina. Halos maiyak na siya sa galak. Napatili siya habang paulit-ulit na niyayakap ang tatlo. Sinikap niyang pakalmahin ang sarili.

“Totoo ba?” makahulugang tanong niya sa magkakapatid.

Pati sa sinagot na tango ay installment din ang tatlo.

“My God, hindi ako makapaniwala!” niyakap niya ang tatlo habang lumuluha na parang bata.

“Sa wakas matutupad na rin ang pangarap ko…magbabalik showbiz na si Isabel Granada! I’m so happy I could die!”

Sabay-sabay na umakyat sa pinakatuktok na baitang ng hagdan ang magkakapatid pagkatapos ay isa-isa silang nagpatihulog habang umaawit ng operatic version ng “Rude Boy”. Duguan at nanlalata silang muling lumapit kay Romina, nakahanda ang bagong hasa nilang mga balisong.

“Tanga talaga to teh!” reklamo ni Gretchen sa ate niyang si Claudine.

“Uundayan ko ng saksak ito kapag hindi ako nakapagpigil.” banta ni Marjorie.

Nagtatakang pinaglipat-lipat ni Romina ang tingin sa tatlo.

“So ibig ninyong sabihin, bukod sa pagbabalik showbiz ni Isabel Granada, mayroon pa kayong magandang balita?” hindi makapaniwalang tanong ni Romina na akala mo nasa Wish Ko Lang Siya, Ronald McDonald edition siya.

“Oo Romina, may isa pa kaming balita sa iyo…at tiyak naming ikagugulantang mo ito.”

“My God, don’t tell me – “

Parang nababasa na ng tatlo ang tanong na naglalaro sa utak ni Romina kaya pinigilan nila ito. “Hindi! Hindi ibabalik ang love team ni Chuckie Dreyfus at Jennifer Sevilla, Romina! Hinding-hindi!!!” bulyaw ng magkakapatid.

“Kung ganoon, ano? Ano ang gusto ninyong ibalita sa akin?” nasasabik na tanong ni Romina.


***

Mula sa pinagatataguan ni Romina ay nakasilip siya sa kaibigan niyang si Mama Rene. Lumingon sa kanya ang bakla pagkatapos ay inanyayahan siyang lumapit. Tumalima naman siya. Bago siya dahan-dahan na lumapit kay Mama Rene ay sinipat-sipat muna niya ang buong paligid kung may nakakakita ba sa kanila.

“Romina, sigurado ka ba na totoo ang ikinuwento sa iyo ng magkakapatid na sinungaling na iyon?” tanong ni Mama Rene habang nagkukubli sila ni Romina sa halamanan. “Alam mo naman yung magkakapatid na iyon na mga Nanette Imbentor. Mapag-imbento ng usap ang mga hitad na iyon, Romina.”

“Nangako sila na totoo daw ang sinasabi nila. Naniniwala naman ako sa kanila Mama kasi parang totoo talaga eh.”

“Oh sige,” sabi ni Mama Rene habang inihahaba ang leeg upang matyagan ang mansiyon na pinasok nila ng palihim.

“Mama, ano nga palang ginagawa natin dito?”

“Ano pa eh di aalamin natin kung totoo ngang nagpadala ng liham sa iyo si Lord Alexus. If the mountain will not come to Mahomet, Mahomet must go to the mountain. Tayo mismo ang pupunta kay Lord Alexus upang alamin ang isinasaad ng liham.”

“Mama, ibig mong sabihin – “

“Oo Romina,” feeling matalinong sagot ni Mama Rene.

“Pero sino si Mahomet Mama Rene? Hindi ko siya kilala.”

“Ay tanga!” pikon na sambit ni Mama Rene. “Kasabihan lang yung if the mountain chorva na iyon!”

“Ah okay,” nakangiting sabi ni Romina. As usual, pansin na pansin na naman ni Mama Rene ang tanga-tangahan school of acting ni Romina, isang senyales na kabado ito. Kaagad na tumayo si Mama Rene. Matapang siyang nakatindig sa harap ng malaking tarangkahan ng mansiyon ni Lord Alexus. Hinila niya si Romina upang samahan siya sa pagpose sa harap ng CCTV camera sa may pinto.

“Nasaan na yung props mo?” tanong ni Mama Rene matapos ang kalahating oras nilang pagpo-pose sa camera.

“Ito po,” sagot ni Romina habang isinusuot niya sa ibabaw ng kanyang t-shirt ang kulay puting lab gown upang magmukha siyang isang doktora.

“Ano ba naman iyan Romina!” galit na sigaw ni Mama Rene habang kinakamot ang pusod niya na nakaexpose sa suot niyang hanging Dora the Explorer t-shirt. Animo’y isang factory ng Goya Dark Chocolate ang pusod ni Mama Rene.

“Paano naman tayo magmumukhang kagalang-galang niyan kung ganyan ang suot mo Romina,” lintanya ni Mama Rene habang isinusuot ang Kiss the Cook apron niya na may picture ni Jerrick Raval. “O siya, yamang nandito na rin lang naman tayo, okay na rin yang suot mo,” taas kilay na sabi ni Mama Rene habang binubuhol ang strap ng kanyang gladiator sandalas na abot hanggang singit.

“Isuot mo ang ID na ito Romina at ako ang bahala sa iyo.” Malakas na kumatok sa pinto si Mama Rene. Pinagbuksan sila ng security ng bahay na kamukha ni David Beckham at ng kakambal nito na butler ng mansiyon na kamukha naman ni…David Beckham pa rin. Kaagad na napalunok si Mama Rene sa tindi ng kagwapuhan ng mga kaharap niya. Nasa gawing likuran naman ng dalawa ang chauffeur ni Lord Alexus na kamukha ni Mario Maurer, pero mas maganda ang boses niya, mas manly hindi katulad ng pang Care Bear na boses ng totoong Mario Maurer. Grabe-grabe na ang pamumula ni Mama Rene na mahilig sa mga gwapo.

“Uhm…Uhm…Uhmmm…” nauutal na sabi ni Mama Rene habang nakahalhal ang dila na parang timang.

“Mama umayos ka,” hinagod ni Romina ang likod ng kaibigan. Waring nahimasmasan naman ang bakla dahil biglang pumormal ito.

“Ito ba ang bahay ni Lord Alexus?” confident na tanong niya.

Maang na tumango ang tatlong lalaki na pawang nakamanipis na t-shirt lang kaya banaag na banaag ni Mama Rene ang mga abs nila na tadtad ng pandesal. Napalunok ulit si Mama Rene.

“Uhm…uhmm…” umiisip siya ng kapani-paniwalang alibi kung bakit sila nagsadya ni Romina.

“Mga volunteers kami ng Sperm Bank of the Philippines,” ang naisip niyang palusot. Kaagad niyang hinawi ang mga lalaki bago pa sila makapagtanong.

“Sperm Bank of the Philippines?” sabay-sabay na tanong ng tatlong lalaki pati ng nagugulumihanang si Romina.

“Ay sorry – United Sperm Bank of the Philippines pala,” pagtatama ni Mama Rene habang confident na ini-inspeksyon ang mga abs ng kaharap niyang lalaki.

“Nagpunta kami dito dahil nagbaba ng kautusan ang gobyerno…” timukhim si Mama Rene, “gobyerno ng mga bading na may biyak sa nguso...” palihim niyang bulong sa sarili pagkatapos ay hinarap ang mga lalaki. “Nagbaba ng resolusyon ang gobyerno na kailangang mag-donate ng sperm ang mga foreigners na super duper gwapo na dadalaw sa Pilipinas, bilang ambag sa rejuvenation…” tumikhim na naman ang bakla pagkatapos ay bumulong sa sarili “rejuvenation ng mga baklang may biyak sa nguso.

Taas noo siyang humarap sa mga lalaki. “Required lahat ng gwapong foreigners na mag-donate…”

“Ha? Totoo ba iyan?” naguguluhang tanong ng butler na kamukha ni David Beckham habang pinipisil-pisil ng bakla ang kanyang ma-mucle na braso.

“Oo naman,” sagot ni Mama Rene. “Ito ang ID ko,” ipinakita ni Mama Rene ang kanyang ID. Mukhang naniwala naman ang mga lalaki.

“Bago natin umpisahan ang donation ay kailangan ko muna kayong i-PAPA SMEAR.”

“Papa smear?! Ano yun? Diba Pap smear lang ang mayroon…sa mga babae?” tanong ng chauffeur na kamukha ni Mario Maurier.

Sumeryoso ang mukha ni Mama Rene, para siyang isang guro na nagbibigay ng lecture. “Kung may pap smear para sa mga babae, Papa smear ang test na ginagawa para sa mga lalaki. Hindi pa siguro ninyo alam iyan dahil bago palang ang GUYnecology, that’s capital G-U-Y-necology sa Pilipinas. I’m a certified Guynecologist, you know!” mayabang na eksplanasyon ni Mama Rene. Habang nag-uusap-usap ang mga lalaki tungkol sa kung paano nila papatayin ang baklang sinungaling sa harap nila ay siya namang paghila ni Mama Rene kay Romina sa tabi.

“Romina, sige na, ako na ang bahala sa mga gwapong lalaking ito,” nangingilid pa ang luha ng bakla na akala mo’y napakalaking sakripisyo sa kanya ang mangolekta ng sperm na ido-donate ng mga gwapong lalaki. “Sige na, Romina! Hanapin mo na si Lord Alexus!” Itinulak ni Mama Rene si Romina palabas ng kwarto na parang nasa drama lang sila sa telebisyon with matching echo pa ng “sus…sus….sus….sus”.  

Kinakabahan man si Romina, mas nanaig sa kanya ang pagnanais na makilala si Lord Alexus at tanungin ito tungkol sa sulat na ipinadala nito para sa kanya. Ano ang nakasaad sa sulat na iyon na nagmula sa Konde ng Hesse-Lamburg?







    Leave a comment