Mga Baliw na Manunulat

La Familia Adiktus 1: My Fiancé is a Vampire Chapter 5

Picture
Presenting: Lord Alexus

Lord John Alexus Maximillian Luccan Brettencourt, Count Hesse-Lamburg



By: Zaira King



“So nakabalik na pala kayo?!” mataray na tanong ni Kitty sa kararating pa lamang na Romina at Mama Rene.


“Opo maam Kitty,” sagot ni Romina.

“Mabuti naman. Sige na bumalik na kayo sa trabaho, ora mismo!”

“Opo” sabay na sagot ng magkaibigan. Sa awa ng Diyos ay gumaling naman si Mama Rene at bumalik siya sa dati niyang sigla. Pagkalabas nga ng presinto ay ito pa mismo ang nagyaya kay Romina na gumimik silang dalawa sa Star City at sumakay ng Roller Coaster kahit sariwa pa ang mga tahi niya.

Dali-dali silang pumunta sa kanilang kwarto. Bago pa man nila buksan ang pinto ay may naririnig na silang kumakaluskos doon. Sinilip nila kung sino ang nasa loob. May isang baluga doon na kasalukuyang inililipat ang mga gamit ng dalawa.

“Excuse me baluga, anong ginagawa mo dito?” nakapamewang na tanong ni Mama Rene matapos niyang pabalyang buksan ang pinto.

“Can’t you know how knocking? Don’t your parents teached you?” mataray na asik ng baluga na hindi manlang sila tinapunan ng tingin.

“Aba may attitude ang baluga na ito, Romina. Pigilan mo ako dahil baka mabalatan ko ng buhay ito.”

“Are you depp? Are you not see me bisi? I’m kay-na bisi, so you go near, far, wherever you are!” Nagpatuloy sa pagkakalkal ng gamit nila Romina ang balugang may attitude.

“Excuse me lang po,” magalang na nagsalita si Romina, “pero mga gamit po namin iyang pinapakialaman ninyo.”

“So? I’m not care.”

“Aba talagang matalas ang dila nitong engleserang frog na ito ah!” 

“Mama, huwag! Ang tahi mo!” Mabilis na pinigilan ni Romina ang bakla na daluhungin ang balugang mukhang kaklase sa English class ng babaeng kumanta ng Ken Lee.

Habang umuusok ang ilong sa galit si Mama Rene ay napansin niya ang pilik-mata ng baluga, kulay green iyon. Noon lang din niya napansin na malaki ang pagkakahawig ng baluga kay Tweety Bird – yun nga lang di siya kulay yellow, pero nandoon ang malaking resemblance nila ng favorite cartoon character ni Mama Rene. Kaagad na gumaan ang loob ni Mama Rene sa baluga. At mukhang Mama Rene was in for a big surprise noong araw na iyon, dahil ang baluga pala na gusto niyang sabunutan at gilitan at ipanghalo sa dinuguan ay ang sarili niyang ina!

“Mamsi? Mamsi is that you?! Nangingilid ang luhang tanong ni Mama Rene sa baluga. Kaagad na inangat ni Mama Rene ang suot na t-shirt ng baluga – 8-packs na mabuhok na abs, dibdib na parang kay Sergio, biceps na parang kay Big Show at bigote na katulad ng kay Pacquiao – hindi siya nagkakamali, iyon nga ang kanyang ina!

“Aling Nita? Aling N-nita K-kargadora?!” nauutal na tanong ni Romina. Hindi siya makapaniwala na ang kargadorang ina ni Mama Rene na may tattoo sa noo na ang nakasulat ay “Handle with Care…Return if Seal is Broken…Credit is Good but We Need Cash..Ice for Sale” ay buhay pa pala.

“Rene? Rene, my son?!” nabigang tanong ng baluga. “Did I’m right? Did have I’m right? Do you is really my son?”

“Opo mamsi, ako nga ito si Rene,” nangingilid ang luha na umikot-ikot sa harapan ng kanyang ina si Mama Rene na nakasuot ng paldang Macarena.

“I’m gladly that I’m saw you again my son!” bulalas ng ina ni aling Nita kargadora bago niya yakapin ng mahigpit ang anak.

Binigyan muna ni Romina ng pagkakataon na mag-emote ang dalawa. Pero may tanong na gumugulo sa isip niya. Habang naglalakad siya sa labas ay hindi mawagli-waglit sa isip niya ang tanong na iyon.

Paano nangyari na buhay pa si aling Nita kargadora matapos siyang tamaan ng kidlat habang sumasayaw ng Waka-Waka sa gitna ng kalsada?

Maraming nakasaksi sa pagkasawi ni aling Nita. Kung tutuusin nga ay kasama pa si Romina sa mga nagbuhat ng kabaong ni aling Nita noong araw na ililibing ito. Nanlaki ang mga mata niya nang bigala siyang may naalala.

Tama! Ngayon naaalala ko na. Noong araw na iyon napansin ni Mang Gerald Anderson na magaan ang kabaong ni aling Nita. Sinabi pa nga niya na parang walang laman iyon!

Hindi mapalagay si Romina. Sa isang banda ay natutuwa siya na muling nagbalik ang ina ni Mama Rene. Pero paano kung may basehan ang kinatatakutan niya. Paano kung ang kasama nila ay hindi ang totoong aling Nita at isang nilikha lamang ng lagim? Kailangang maging mapagmatyag siya.

It’s something in the matter wrong Romina?

Halos mapatalon siya sa takot nang bigla niyang marinig ang boses ni aling Nita. Malakas na tumatambol ang sapu-sapo niyang dibdib habang umiikot siya paharap dito. Mas lalong tumindi ang panghihilakbot niya! Nakasuot ng bikini ang mag-inang Mama Rene at Nita Kargadora! Oh hindi!

“Mamsi, ano nga palang nagyari sa iyo? Bakit ang tagal mong nawala? Ni wala manlang kaming balita sa iyo? Pati mga tanim mo sa Farmville napabayaan mo na Mamsi!” tanong ni Mama Rene habang tinutulungan niyang mag-ayos ng gamit ang kanyang ina. Tahimik na nakikinig lang sa kanila si Romina habang nagku-cross stitch ng picture ni Lito Lapid.

“Ganito kasi iyon anak, hindi ko na rin matandaan eh. Basta nung gumising ako nasa tuktok na ako ng tore tapos yung buhok ko blonde at sobrang haba. Tapos may narinig akong lalaki na tumatawag sa baba, sabi niya Nita! Nita! Ibaba mo ang buhok mo para makaakyat ako!”

Biglang napa-angat ng mukha si Romina mula sa kanyang ginagawa.

“Ay Rapunzel ka Mamsi? Rapunzel ka? O di ikaw na! Ikaw na si Rapunzel!” Binigyang boses ni Mama Rene ang nais sanang sabihin ni Romina.

“Ha?” naguguluhang tanong ni aling Nita Kargadora. “Rapunzel ba ‘yun? Ganoon yung naaalala ko eh. Pagkatapos nga noon may isang maiitim na pugita akong naka-usap, sabi niya bibigyan daw niya ako ng paa – “

“Wow Little Mermaid ka naman Mamsi?! Oh di ikaw na! Ikaw na talaga!” pabalang na asik ni Mama Rene. Hindi siya makakapayag na maagawan ng ina. Siya lang ang little Mermaid ng Pilipinas! Siya lang!

“Iyon lang talaga ang natatandaan ko. Pagkatapos nga noon may nakita akong nagsasalitang palaka eh. Sabi niya sa akin kukunin daw niya yung pustiso ko sa balon kung iki-kiss ko daw siya ng gums to gums, lips to lelang…”

Mas lalong tumindi ang paghihinala ni Romina habang nakikinig siya sa mga fairy tales ni aling Nita na puro siya ang bida. Wala talagang naaalala ang kargadorang baluga tungkol sa mga nangyari sa kanya. Sala-salabat na fairy tales lang ang natatandaan niya.

“…sumagot naman ang salamin. Sabi niya: Si Nita ang pinakamaganda sa balat ng lupa…” patuloy sa pagkukwento si aling Nita kahit na matagal nang nakatulog si Mama Rene at habang nakatutok ang atensiyon ni Romina sa paggawa ng FLAMES ng mga pangalan nila ni Mr. Wolf. Nanghihinayang si Romina dahil ayaw sabihin sa kanya ni Mr. Wolf ang tunay nitong pangalan. Ayan tuloy, laging Friends lang ang lumalabas sa FLAMES nila ni Romina.


Kinabukasan…


Maaga palang ay abalang-abala na ang buong mansyon. Isang telegrama ang natanggap nina Vicky ukol sa pagdating ng kaibigan ng pamilya – si Lord John Alexus Maximillian Luccan Brettencourt, Count Hesse-Lamburg. Nagmula pa sa Europa ang nasabing konde na makailang beses na ring naging bisita ng mag-anak. Excited na excited sina Vicky, Hurt, Solemn at lalong-lalo na si Kitty. Kung sina Vicky, Hurt at Solemn ay may inlove kay Lord Alexus, si Kitty ay masasabing baliw na baliw at walang pagsidlan ang pagiging obsessed dito. Ang mapalapit kay Lord Alexus ang totoong pakay ni Kitty kaya niya tinanggap ang pag-ibig ni Don Ronald. Ang pagkakataong masarili at maakit si Lord Alexus ang talagang matagal na niyang hinihintay. At mukhang iyon na nga ang darating sa kanya dahil ayon sa telegrama ay darating ang gwapo at mayamang maharlika sa linggong iyon.

“Linisin ninyong maiigi ang bahay! Ayokong may makikita ni katiting na alikabok! Ihanda ninyo ang guest room!” pabulyaw na utos ni Kitty sa mga kasambahay. Maging si Romina ay hindi rin maitago ang interes niya sa magiging bisita nina Kitty.

“Ate Claudine, nakita na ba ninyo yung si Lord Alexus? Gwapo ba siya? Mabait ba?” sunud-sunod na tanong ni Romina.

“Naku Romina ako na ang nagsasabi sa iyo, walang kapantay sa kagwapuhan si Lord Alexus. At super mysterious ang lalaking iyon kaya naman mas lalo akong naiinlove sa kanya,” si Gretchen.

“Hayyyyy,” nakangiting napabuntong hininga si Marjorie habang inaalala ang napakagwapong si Lord Alexus.

“Ssshhhh!” saway sa kanila ni Claudine na itinapat ang hintuturo sa labi. “Huwag kayong maingay, baka marinig kayo ni maam Kitty. Malakas ang tama noon kay Lord Alexus at bali-balita na maraming babae na siyang ipinapatay dahil ayaw niya ng may karibal. Lahat ng nagkakagusto kay Lord Alexus ay idinidespatsa niyan kaya kung ako sa inyo manahimik nalang kayo kung gusto pa ninyong mabuhay.” Sabay-sabay silang napatingin kay Kitty na kasalukuyang humahalakhak ng pagkalakas-lakas habang nilalatigo ang mga napadaang taong grasa sa kanilang gate. Walang kaduda-duda sa isip nila na hindi mangingime ang babae na pumatay ng tao basta makuha lang niya ang lalaking pinapangarap niya.



***


“Romina halika nga rito!” bulyaw ni Kitty nang magkaharap sila ni Romina noong hapong iyon.

“PAK!” Sinampal ng malakas ni Kitty ang dalaga, dahilan upang matumba si Romina.

“Bakit po?” nangingilid ang luhang tanong ni Romina habang nakatingala siya sa kanyang malditang amo.

“Ang kapal ng mukha mo! Sino nagsabi sa iyong mag make-up ka?! Ano nagpapaganda ka para maakit mo si Lord Alexus?! Huwag ka nang umasa!” Umupo ang malditang si Kitty upang sabunutan si Romina. Hindi pa siya nakuntento ay inginudngod pa niya ang mukha ni Romina sa lupa.

“Kung gusto mong magkasundo tayo Romina, huwag na huwag kang umaligid kay Lord Alexus!” Sigaw ni Kitty matapos sipain sa tagiliran si Romina.

“Hmppp!” padabog na iniwan siya ni Kitty.

Mukhang matindi talaga ang galit ni Kitty kay Romina dahil noong gabi ay ikinulong niya ito sa loob ng CR sa isang lumang kwarto na walang gumagamit.

“Diyan ka nababagay! Hindi ka pwedeng lumabas diyan hanggang hindi ko sinasabi! Ambisyosa ka!”

“Maam Kitty! Maam Kitty! Huwag po ninyo akong ikulong dito! Huwag po! Maawa po kayo…” pagsusumamo ng umiiyak na si Romina. Takot siya sa madidilim na lugar at takot din siya sa mga sarado ay masisikip na kwarto. Narinig niya papalayong halakhak ni Kitty. Ilang sandali pa ay namayani ang katahimikan. Tinakpan na lamang ni Romina ang kanyang bibig at ipinikit ang mata upang huwag siyang sumambulat ng iyak. Tahimik na lamang siyang humiga sa basa at maruming sahig ng CR. Hindi pa siya naghahapunan at alam niyang hindi maaawa sa kanya si Kitty. Baka nga hayaan na siya ng malditang iyon na mamatay doon.

“Eeeeeee!!” sigaw niya ng maramdaman niya na may gumagapang na daga sa kanyang binti. Napatayo siya. Tumatalun-talon habang iniaalis sa kanyang katawan ang mga dagang kumakagat sa kanya. Pati mga ipis ay naglapitan na rin.

“Eeeeeee!!” napaigtad siya nang muli na naman siyang kagatin ng mga daga sa iba’t-ibang parte ng katawan niya. Natatakot siya sa malalaking daga na iyon na kulay pula ang mga mata. Pati ang tunog na nililikha nila kasabay ng tunog ng nagliliparang mga ipis ay nagpasindak kay Romina. Napapikit siya sa takot.

Bigla siyang may naamoy, pamilyar ang amoy na iyon. Amoy itim na rosas, katulad ng ibinigay sa kanya ng misteryosong lalaki sa party. Idinilat niya ang kanyang mga mata. Nabigla siya. Napakaliwanag ng kanina lang ay madilim na CR. Puno ng mga lumulutang na kandila. At ang CR ay naging isang mahabang hallway samantalang ang sahig ay napuno ng mga itim na talulop ng rosas. Naglakad siya palapit sa pinto sa dulo ng hallway. Pamilyar ang tunog sa likod ng pinto. Kinakabahan man siya ay binuksan niya iyon. Malakas na hangin ang sumalubong sa kanya. Tama siya! Pero paanong napadpad siya sa dalampasigan? Nilingon niya ang pinanggalingan niya. Lumunok siya pagkatapos ay humakbang patungo sa mundo sa labas ng pinto. Kumikinang ang puting buhangin mula sa tinatanggap nitong liwanag sa araw. Kapayapaan ng dulot kay Romina ng tunog ng paghampas ng alon sa dalampasigan. Pinuno niya ang dibdib niya ng hangin pagkatapos ay nakangiti siyang naglakad.

Maya-maya ay biglang nagliwanag ang buong karagatan. Parang sumabog ang buwan at unti-unting bumagsak ang mga piraso nito sa tubig. Mga lumulutang na ilawan sa tubig, hanggang kung saan abot ang tanaw ni Romina. Patakbo siyang pumunta sa dagat. Hindi siya lumubog. Nakakapaglakad siya sa ibabaw ng dagat?!

May natanaw siya. Isang tao, katulad niya naglalakad din ito – naglalakad ito palapit sa kanya. Sa gitna ng nagliliwanag na karagatan, doon nakita niya siya. Sino nga ba siya?






Dito po nagtatapos ang unang hati ng unang aklat...^_^





    Leave a comment