Mga Baliw na Manunulat

Love Letter and Chuckie
(Chapter 6)

Akda ni: Sunpriestess




   


Nagising si Lira sa tunog ng alarm clock. Alas sais na ng umaga at kailangan na niyang maghanda para sa kanyang pagpasok sa eskwelahan. Ngunit ang umagang iyon ay hindi katulad ng mga regular na umaga para sa kanya dahil natatakot siyang makita ang lalaking kaniyang minamahal at ang kanyang bestfriend na magkasama. Parang ayaw niyang pumasok at tinatamad siya ngunit hindi niya maaring ipahalata sa mga magulang na may problema siya. Kaya kahit mabagal ang kilos at walang gana ay pinilit niyang asikasuhin ang sarili sa pagpasok.

Nang bumaba siya ng kanyang kwarto ay nagpunta na siya sa kusina para magalmusal. Kumpleto na ang kaniyang pamilya sa hapagkainan at siya na lamang ang hinihintay.

“Uy kumusta na ang aking henyong kapatid? ” tanong ng kanyang kuya Benie na ginulo pa ang kanyang buhok.

“Kuya naman eh! Kakasuklay ko lang ginulo mo kaagad” angal ni Lira sa kanyang kapatid.

“Hmmm…ito naman namimiss lang kita”  tatawa-tawang sabi ni Benie na agad lumayo ng tingnan siya ng matalim ni Lira.

“Ay siya tama na yan at baka kayo ay mahuli pa sa pagpasok sa eskwela” singit naman  ng kanilang ina. Tatawa tawa naman ang kanilang ama at sila ay dumulog na sa mesa para kumain.

Kahit sa pagkain ay walang gana si Lira kaya agad siyang napansin ng kaniyang pamilya. Tinanong naman siya ng kanyang mga magulang ngunit matipid  na ngiti lang ang kanyang naging sagot sa mga ito.

Pagpasok sa eskwelahan ay abot-abot ang kabang nararamdaman ni Lira sa dibdib habang papalapit sa kaniyang classroom. Samu’t saring eksena na rin ang pumapasok sa kaniyang isip na hindi na niya matiis kaya inisip niyang huwag na lang pumasok ngunit sa kanyang pagtalikod ay nakita niya si Clarence na nakaakbay kay Nadine at nakangiting magkaharap sa isa’t isa.  Napatigil ang mga ito ng makita siya.

“Ahm…gu…goodmorning Lira. Ah ano ah.” Nahihiyang sabi ni Nadine na tumingin kay Clarence na wari’y humihingi ng tulong.

“Ah Lira goodmorning. Siguro dapat ikaw ang unang makaalam tutal ikaw na rin ang unang nakakita sa ami n at ikaw rin ang bestfriend nitong si Nadine. Girlfriend ko na ang bestfriend mo Lira. Siguro time na rin para maputol ang silent war natin. Kasi para kasing lagi mo na lang akong gustong talunin kahit saang aspeto . ” sabi sa kanya ni Clarence na may ngiti sa mga labi.

Kung alam lang sana ni Clarence ang sakit nang pagtatapat na iyon, ang pagtatapat na magkasintahan na sila ng bestfriend niyang si Nadine. Para lang naman siyang sinaksak ng Samurai Sword sa puso at inihulog sa kumukulong asido. Grabe ang sakit na nararamdaman niya pero nagawa pa rin niyang ngumiti sa harap ng mga ito at pagkatapos ay tumalikod na para pumasok sa classroom. Hindi niya maintindihan kung paano niya nagawa iyon pero ang alam niya ay hindi siya dapat umiyak sa harap ng mga ito.

Habang nagkaklase ang guro niya ay napapansin ni Lira ang pagsusulyapan ni Nadine at Clarence. Nagngingitian pa ang mga ito. Sobra na ang pagngingitngit niya. Siya dapat ang sinusulyapan ni Clarence. Siya dapat ang nginingitian nito. Siya dapat! Siya lang. Nang hindi na siya nakatiis ay tumayo siya at agad na lumabas ng classroom. Narinig pa niya ang pagtawag sa kanila ng kaniyang guro ngunit hindi niya ito pinansin. Kailangan niyang lumayo at pumunta sa tahimik na lugar. Sa lugar kung saan mapapanatag siya. At nagtungo siya sa direksiyon patungo sa likod ng eskwelahan.










    Leave a comment