Mga Baliw na Manunulat

Love Letter and Chuckie
(Chapter 7)

Akda ni: Sunpriestess




   



Nakita ni Lira si Brian na nakahiga sa sementadong upuan. Nilapitan niya ito para gisingin ngunit natigilan siya nang akmang yuyugyugin na niya ang balikat ng lalake. Para kasing nahipnotismo si Lira ng matitigan ang mukha ni Brian kaya ng may dumaang paru-paro sa gitna nila ay saka lang niya napagtanto na natulala na pala siya. Kaya agad siyang lumayo at umupo na lang sa damuhan na nakasandal sa sementadong upuan.

“Hays ano bang nangyari sa akin kanina? Gosh!” naibulong ni Lira sa sarili at muling tumingin sa lalake at muling inalis ang tingin. Maya-maya pa ay bumuntong-hininga si Lira at muling tumingin sa lalake para lang magulat ng sa paglingon niya ay magkalapit ang kanilang mga mukha at isang pulgada lang ang layo na kung nagkataon ay nagkahalikan na sila. Dahil sa gulat ay napalayo si Lira at napahiga sa damuhan.

“Ok ka lang? Ano bang ginagawa mo dito? Hindi pa tapos ang klase hindi ba?” sunod-sunod na tanong ni Brian kay Lira habang inaalalayang makatayo.

Samantala pakiramdam ni Lira ay sasabog siya sa bilis ng tibok ng kanyang puso kaya ng makatayo siya ay nahampas niya si Brian sa braso.

“Awww! Ano ba bakit ka nanghahampas?” galit na tanong ni Brian.

“Bakit ba kasi nanggugulat ka? Muntik pang….” Nagblush si Lira nang maalalang muntik na silang magkahalikan ni Brian “aaaah wala”.

“Ikaw kasi? Ano bang ginagawa mo dito? Nagulat lang naman ako ng pagmulat ko may tao nang nakaupo sa tabi ko kaya titignan ko sana kung sino pero bigla ka namang humarap” paliwanag ni Brian.

“Hindi ba sinabi ko sa iyo na patambay ulit ako dito? Kaya nandito ako ngayon” nakataas ang kilay na sabi ni Lira.

“Oo nga pero oras pa ng klase ngayon. Bakit ka nandito?” muling tanong ni Brian.

“Wala lang gusto kong tumambay” sagot ni Lira at umupo sa sementadong bangko.

“May nangyari ba?” tanong uli ni Brian.

“Ha?” ganting tanong ni Lira.

Napabuntong hininga si Brian at umupo sa tabi ni Lira. “Sabi ko kung may nangyari ba sa iyong masama kaya ka nandito? ”

“Wala ka rin namang magagawa kung sasabihin ko sa iyo kaya huwag na lang”

“Subukan mo ako. Handa naman akong makinig” kinuha ni Brian ang bag niya at kumuha ng dalawang chuckie. Iniabot ni Brian ang isa kay Lira at ang isa ay para sa kanya. “Sige magsimula ka na sa iyong nobela” saad ni Brian at ininom ang hawak na chuckie.

“Talagang kailangang may chuckie?” tanong ni Lira.

“Oo para masaya ang pagkekwento mo” sagot ni Brian at sumenyas na magsimula na si Lira. Umingos naman si Lira pero nagsimula na ring magkwento.

Ang totoo alam na ni Brian ang mga ikinikwento sa kanya ni Lira pero kailangan niyang makinig. Isa pa naaaliw siya habang nagkekwento si Lira pero maya-maya pa ay umiiyak na ito sa parte kung saan nagsimulang masaktan ito ng dahil kay Clarence at Nadine.  Kumuha siya ng panyo at pinunasan ang mukha ng babae na basa ng luha. Natigilan naman si Lira pero ipinagpatuloy ang pagkekwento.  Nang matapos si Lira ay umiyak lang ito ng umiyak samantalang si Brian ay naaawang pinagmasdan lang si Lira. Muli niyang inabutan ito ng chuckie.

“Chuckie na naman?” tanong ni Lira.

“Oo pampatigil ng luha mo. Sige tumambay ka na dito. Teka hindi ba ipinaalam sa iyo ni Nadine na sila na ni Clarence at kung paanong naging sila?”

“Hindi nga eh. ”

“Think of it! Ikaw ang bestfriend niya pero hindi niya sinabi sa iyo considering na alam niya na mahal mo si Clarence”

Natahimik naman si Lira at napaisip. Maya-maya ay kinuha ni Brian ang kamay ni Lira at hinigit papunta sa bakod ng eskwelahan.

“Teka saan tayo pupunta?” tanong  ni Lira.

“Aalis tayo dito. Tatakas! Kaya sigeh halika na”

Aangal pa sana si Lira pero umakyat na si Brian sa bakod at inilahad ang kamay. Wala nang nagawa si Lira, inabot niya ang kamay ni Brian at umakyat din sa bakod. Kung saan sila pupunta ay hindi niya alam.









Next


    Leave a comment