Mga Baliw na Manunulat

La Familia Adiktus 1: My Fiancé is a Vampire Chapter 4

Picture
Presenting: Mr. Wolf

Sino po gustong mapakinggan ang Moon River ni Mr. Wolf?

By: Zaira King



Moon river, wider than a mile,
I'm crossing you in style, some day.
Oh, dream maker, you heart breaker,
Wherever you're goin', I'm goin' your way.



Habang kumakanta siya ay tiningnan ni Romina si Mr. Wolf. Ngumiti siya. Pati puso niya, hindi niya namalayang ngumiti din. Bakit ganoon nalang ang pakiramdam niya kapag tumititig siya sa mukha nito? Para bang matagal na niyang kilala ang lalaki. Habang naririnig niyang tumutugtog si Mr. Wolf, nagbabalik sa alaala niya ang masasayang sandali sa buhay niya. Tinititigan niya ang lalaki habang taimtim itong tumutugtog. Gusto niyang tumakbo palapit dito pagkatapos ay hawakan ang kamay nito at tumakbo nang tumakbo.


Two drifters, off to see the world,
There's such a lot of world to see.
We're after the same rainbow's end,
Waitin' 'round the bend,
My huckleberry friend,
Moon river, and me


 
Sa pagkakataong iyon ay hindi na kayang kumanta ni Romina. Nakatayo nalang siya doon, nakapako ang tingin sa lalaki. Gusto niyang sumigaw. May gusto siyang sabihin sa lalaki. Pero hindi niya magawang ibuka ang bibig niya. Sa bandang huli ay tahimik nalang siyang bumulong sa isip.

Mr. Wolf...Saan ka pupunta? Pwede bang isama mo nalang ako? Natatakot akong marinig na sabihin mong salamat Romina…paalam Romina...magandang gabi Romina.

Tumingala si Romina pagkat may naramdaman siyang banayad na bumagsak sa kanyang pisngi.

Snow? Umuulan ng snow?” tanong niya sa sarili. Inilahad niya ang palad upang saluhin ang mabagal na bumabagsak na mga butil na iyon ng malamig na bulak.

Narinig ni Romina ang kalansing ng mga barya. Tapos na ang performance ni Mr. Wolf. Nakita niyang nag-bow si Mr. Wolf at si Beatrice. Ngumiti sa kanya ang lalaki pagkatapos ay tiningnan ang nagkalat na barya at pera na inihagis ng mga manonood.

“Opo Mr. Wolf,” masayang sabi ni Romina na nangingilid ang luha dahil sa panonood sa lalaki kanina.

“Magkano lahat ng kinita mo?” tanong ni Mr. Wolf habang inililigpit nila ang kanilang mga gamit.

“Ha?” nagtatakang tanong ni Romina. “Hindi po ba sa inyo ito? Para kasing kayo lang naman ang nagpalabas eh. Hindi ako nakatulong,” nahihiyang sabi niya.

“Regalo na namin ni Beatrice sa iyo ang perang iyan. Alam kasi naming kailangan mo ng pera.” Muling isinuot ni Mr. Wolf ang kanyang itim na gloves.

“Salamat po,” yumuko siya. Nakangiti siya habang binibilang ang lahat ng perang kinita ni Mr. Wolf na aabot sa isang libo at anim na raan. “Tatanggapin ko na po ito kahit nahihiya ako,” naghahalong tawa at hiyang sabi niya.

“Saan ka na pupunta?” tanong ng lalaki habang naglalakad sila. Palapit na sila sa isang nagsasangang daan.

“Dito po,” itinuro niya ang kaliwang daan.

“O sige dito kami ni Beatrice,” sabi ni Mr. Wolf na nag-umpisa nang humakbang patungo sa kanan.

Hindi alam ni Romina kung ano ang gagawin niya. Iiwanan na siya ni Mr. Wolf. Kailan sila ulit magkikita? O magkikita pa ba sila? Paano kung hindi na? Sapat na ba ang larawan ni Mr. Wolf na inukit niya sa isip ngayong gabi para baunin buong buhay niya?

“O akala ko ba doon ka sa kaliwa papunta?” nagtataka pero nakangiting tanong ng lumingong lalaki sa kanya. Akala niya ay hindi mapapansin ni Mr. Wolf na tahimik siyang sumusunod sa kanila ni Beatrice.

Sa pagkakataong iyon ay huminto sa paglalakad si Romina. Tinakpan niya ng kanyang mga palad ang mga mata pagkatapos ay umiyak. Hinarap siya ng lalaki.

“Bakit umiiyak ka?”

Iling lang ang naging tugon niya.

“Bakit ka umiiyak Romina?” mas masuyong tanong ni Mr. Wolf na nakahawak na sa pisngi niya.

“Hindi ko po alam kung bakit…hindi ko alam kung bakit gusto kitang makasama. P-pwede po ba isama mo nalang ako Mr. Wolf kung saan ka pupunta?”

Nakita ni Romina na lumungkot ang mga mata ng lalaki. Hinaplos ni Mr. Wolf ang buhok niya.

“Hindi kita pwedeng isama Romina. Pero kung kaya ko, kung hindi ako naduduwag, gusto kong hawakan ang mga kamay mo at lumipad papunta sa isang lugar na para lang sa ating dalawa. Kaya lang alam kong hindi ka akin. Kahit kailan hindi ka magiging akin. Kahit ilang beses akong mamatay at mabuhay, hindi ka niya ibibigay sa akin.”

“Hindi kita naiintindihan Mr. Wolf,” naguguluhang saad niya. Nakarecover na siya sa lungkot na nararamdaman niya kanina. Pinagaling ng hawak ni Mr. Wolf ang sugat niya.

“Kung hindi po ninyo ako pwedeng isama? Pwede pong huwag ninyo nalang akong iwan? Pwede po bang maging kaibigan na kita? Pwede po bang sabihin ninyo sa aking darating kayo kapag tinawag ko ang pangalan ninyo at kapag lumingon ako makikita ko kayo sa likod ko? At kung sakaling maglakad akong mag-isa hahawakan po ba ninyo ang kamay ko pagkatapos sa tuwing nalulungkot ako ipapahiram po ba ninyo sa akin ang ngiti ninyo para sumaya ako?”

Tumawa ng malakas ang lalaki. Hinawakan niya ang kamay ng dalaga pagkatapos ay tumakbo sila. Habang tumatakbo sila ay naramdaman ni Romina na pumapatak na mga butil ng ulan. Masyado yata siyang masaya kaya sa pakiramdam niya ay hindi siya nababasa. O masyado siguro siyang masaya kaya parang ang bilis ng takbo nila at hindi niya nararamdaman ang lupa sa ilalim ng mga paa niya? Baka masyado siyang masaya para mapansin ang malakas na hampas ng hangin sa pisngi niya habang magkahawak sila ng kamay at tumatakbo.

Romina, kapag sinabi mong OO…gagawin ko. Lalabanan ko ang tadhana…


 












    Leave a comment