Mga Baliw na Manunulat

La Familia Adiktus 1: My Fiancé is a Vampire Chapter 3

Picture

Presenting: Mr. Wolf



By: Zaira King




 

“Hija, magpahinga ka muna. Ang tagal mo nang nagbabantay sa baklang ‘yan,” malumanay na sabi ng jail warden, na naka kulay pulang backless gown,  ng presinto na pinagkulungan kay Mama Rene. May isang linggo na rin na nagbabantay si Romina kay Mama Rene mula nang maaksidente. Isang linggo na rin siyang hindi nakakabalik sa mansyon kaya naman tanggap na niya sa sarili na wala siyang sweldong masusumpungan kapag nagpakita siya doon. Lahat din ng pera ni Mama Rene ay nagastos na niya sa pagpapagamot ng bakla at sa pagpapa manicure at pedicure ng tomboy na tumulak kay Mama Rene na isang araw pagkatapos makulong ni Mama Rene ay nadakip din ng mga awtoridad. Napatawad na ni Romina ang tomboy na nagngangalang Maricel Butch Dawn Zulweta Laxa Francisco L. Connie Reyes on Camera. Kung paano niyang naging apilyedo ang Connie Reyes on Camera masyado nang maraming alalahanin si Romina para alamin pa.

Sa totoo lang ay mabait naman si Maricel Butch. Hindi naman daw niya sinasadya na maitulak si Mama Rene. Mangyari kasi ay inatake siya ng epilepsy kaya niya nabuhat si Mama Rene at napatayo siya sa kanyang upuan upang dalhin si Mama Rene para ihagis ang bakla. Iyon ang version ni Maricel Butch ng pangyayari. Inatake siya ng epilepsy at malas lang ni Mama Rene dahil kapag inaatake ng epilepsy ang lahat ng mga tomboy sa pamilyang Connie Reyes on Camera ay bumubuhat sila ng bakla upang ihagis palabas ng bus. Hindi nila kagustuhan iyon. Maswerte at malayo ang upuan ni Paolo Pask-Wal at Psalm Meal-Bee noong mga panahong iyon kundi ay sila ang naihagis ni Maricel Butch.

Habang tahimik na nagbi-binggo mag-isa ang kasama nilang doktor na may 389 cases ng medical malpractice at habang tahimik na naglalaba sina Gretchen, Marjorie at Claudine ng mga labahin ng mga amo nila na dinala nila sa kulungan sa pagdalaw sa kasamahan nilang si Mama Rene ay lumapit ang isang gwardiya ng Trinoman sa kulungan ni Mama Rene.

“Bakit may guwardiya ng Trinoma dito?” tanong ni Romina sa mga kasama niya. Walang sumagot.

“May Romina NgusNgos-Balisawsaw ba dito?” tanong ng gwardiya.

“Opo. Ako po si Romina,” magalang na sagot ng dalaga. Pagkasagot ni Romina ay biglang pumasok ang mga chuwariwap girls at naghagis ng confetti.

“Congratulations Romina, nanalo ka ng gitara mula sa aming special raffle.”

“Gitara po?”

“Oo Romina? Gusto mo paulit-ulit?! Unli ka? Unli?!!!!”

“Sorry po – “ biglang nagliwanag ang mukha ng dalaga. Sa wakas may gitara na siya. Sa wakas ay may maisasabit na siya sa pader ng bahay nila upang matakpan ang butas na sinisilipin ng mga kapit bahay nilang bumbay na mahilig mamboso sa tatay niya. “Maraming salamat po.” Tuwang-tuwang tinanggap ng babae ang gitara na pininturahan ng mukha ni Lito Lapid. 

Matapos mag-binggo mag-isa ay lumapit ang doktor kay Romina.

“Romina, ito na nga pala ang mga gamot na kailangan ni Rene. Importanteng mabili mo kaagad iyan kung hindi ay magiging delikado ang lagay niya.” Tiningnan ng babae ang mahabang listahan ng mga gamot.

“Doc bakit po may nakasulat na Piatos, Snaku at Pritos Ring dito?”

“Ay meron ba?” inabot ng doktor ang listahan pagkatapos ay nagbura.

“Doc para saan po ang Pringles, Lays, M&Ms, Snickers, Cloud 9 at isang case ng red horse pati isang platitong mani at Nescafe 3 in 1 at Bear Brand Busog Lusog?”

“Ay patingin nga ulit.” Kunwari ay nagulat ang doktor sa mga nakasulat sa reseta niya. “Hindi ko pala naisulat ang Cobra Energy Drink at Macbook Air.”

Napapansin ni Romina na parang inuutakan siya ng doktor kaya naman nagpa-second opinion siya tungkol sa tunay na lagay ni Mama Rene kay Madam Rosing, isang manghuhulang nagpapataya ng ending at jai alai. Maayos naman kausap si Madam Rosing basta ba tataya ka sa kanya. Mas tiwala si Romina sa nasabing manghuhula dahil nagrorosaryo ito habang nagpapataya ng ending sa loob ng simbahan ng Quiapo. Talagang religious siya!

Napabuntong hininga si Romina habang tinitingnan niya ang lahat ng gamot na kakailanganin ni Mama Rene. Saang palad ng Diyos siya kukuha ng pera para ipambili niya ng gamot ng kaibigan. Hindi niya pwedeng galawin ang perang ipapadala niya sa Cebuana Lluiellier para sa kanyang pamilya. Hindi nga lang niya mapadala pa ang kanyang pera dahil wala siyang valid ID. Tanging ang grade 3 library card niya ang meron siya.

Napatingin si Romina sa hawak niyang gitara. May nabuo siyang ideya.

“Tama, tatanggalin ko ang mukha ni Lito Lapid dito tapos matutulog na ako!” Iyon lang ang ideya niya.

“Loka ka!” sigaw ni Claudine habang naglalaba. “Maanong gamitin mo yang gitara para kumita.”

“You mean – ?” hindi makapaniwalang tanong ni Romina. Sina Gretchen, Marjorie at Claudine naman ay napatangu-tango habang nagpi-perform ng “She Works Hard for the Money.”

“You mean…pwede kong gamitin ito para kumita? Pwede kong gamitin ang gitara para mang-holdap ng bumbay? Sa paanong paraan?”

Pinigilan ni Marjorie ang sarili niya na hambalusin ng tubo ang spinal cord ni Romina. “Ay boba to ‘teh!” hindi makapaniwalang bumaling si Marjorie kay Gretchen.

“Ang ibig naming sabihin,” umpisang paliwanag ni Gretchen, “pwede mong gamitin ang gitara para maging street performer ka. Tutal naman diba maganda ang boses mo at marunong ka namang mag-gitara?”

“Ay oo nga ano?” masayang napasigaw ni Romina. “Bakit hindi ko naisip iyon?”

“Gusto mo sagutin namin?” sabay-sabay na tanong ng tatlong magkakapatid na labandera.

“Huwag na,” nangingiting sagot ni Romina.

Pansamantala ko pong puputulin ang kwento upang bigyang linaw na, kung iniisip ninyo, aking readers na talagang boba si Romina at aanga-anga, ay nagkakamali kayo. Mahilig lang talaga siyang magpatawa at sa mga pagkakataon na problemado siya ay hindi niya napipigilan ang sarili na maging mali-mali at mataranta.

“Ate Gretchen, ate Marjorie at ate Claudine, kayo po muna ang bahala kay Mama Rene. Maghahanap muna ako ng pera para makabili ng gamot niya.”

“O sige Romina, kami na ang bahala dito,” sabi ng tatlong labandera na kasalukuyang nanonood ng Face to Face.

Bitbit ang kanyang bagong gitara ay lumabas ng kulungan si Romina at nagtungo sa baywalk. Umupo siya sandali pagkatapos ay tahimik na nagmasid. Marami nang naunang street performers sa kanya kaya hindi niya alam kung paano siya eeksena. Minabuti niyang maglakad-lakad muna, nakasukbit sa likod ang kanyang gitara. Nang mapagod siya ay umupo siya sa isang bench na malapit sa isang lamp post.

“Miss hindi ka pwedeng umupo diyan.” sabi ng lalaking katabi niya na naka de-kuwatro at nagbabasa ng “Inferno” ni Dante Alighieri.

“Bakit naman?” magalang na tanong ni Romina.

“Kasi may nakaupo na riyan.” Sa pagkakataong iyon ay humarap sa kanya ang lalaki. Gwapo ang mukha nito. Matangos ang ilong, mapupula ang mga labi, at kulay asul ang mga mata. Ngumiti ang lalaki, nakita ni Romina ang mapuputi at pantay-pantay na mga ngipin nito. Maging ang boses nito ay maringal na may pagkamalalim.

“Manong, model ka ba? Ang gwapo mo kasi eh,” inosenteng tanong ni Romina. “Mukha kang artista. Mas gwapo ka pa sa mga artista sa GMA at ABS-CBN,” dagdag niya. Pinatulay niya ang tingin sa suot na damit ng lalaki – naka white t-shirt lang ito at naka jeans at naka suot ng lumang sneakers pero lutang na lutang pa rin ang kagwapuhan nito. Mukhang nasa edad bente siyete hanggang bente nuebe ang lalaki.

Tumawa ang lalaki. Napanganga si Romina sa paghanga sa kagandahang lalaki ng kanyang kausap. At ang cute pa niya kapag tumatawa siya dahil nagki-crinkle ang gilid ng kanyang mga mata. Hindi tuloy napigilan ng dalaga na mapangiti rin.

“Salamat. Hindi ako modelo at mas lalong hindi ako artista,” hinagod ng tingin ng lalaki ang nakalapag na gitara ni Romina, “katulad mo, musikero din ako. Pero nalalayo tayo sa pinag-uusapan natin. Ang sabi ko Miss, bawal kang umupo diyan kasi may nakaupo na diyan.”

“Ah…musician po pala kayo. Ako naman po – “

“Miss nakikinig ka ba? Sabi ko ba-wal-kang-u-mu-po-di-yan!” parang mongoloid na bingi at may sapi ang kinakausap ng lalaki.

“Ha? Ah eh, wala naman po akong nakitang nakaupo eh.”

“Tumayo ka.” utos ng lalaki. Sumunod naman si Romina. Pagtayo ni Romina ay inilapag ng lalaki sa inupuan ng dalaga ang isang 6-feet stuffed pig na kulay pink.”

“Ayan sabi ko sa iyo may nakaupo na eh.”

Natawa silang pareho.

“Tutugtog ka ba ngayong gabi?” tanong ng lalaki sa nakatayong babae habang ibinabalik niya ang atensyon sa binabasa.

“Oo sana, yung kaibigan ko kasi nasa ospital – ay nasa presinto pala. Kaya – “

“Sasamahan ka namin ni Beatrice.” Inginuso ng lalaki ang higanteng stuffed toy na baboy bilang si Beatrice.

“Ay o sige po!” excited na sambit ni Romina. “Salamat po.” lumapit siya upang kamayan ang lalaki. Hindi inabot ng lalaki ang kamay niya. Bagkus ay nagsuot ito ng kulay itim na lambskin gloves pagkatapos ay dinampot ang kanyang violin.

“Halika na,” sabi ng lalaki habang naglalakad ito papalayo.

“Pero papaano po si Beatrice?” nag-aalalang tanong ni Romina. Ayaw niyang iwanan ang cute na stuffed toy. Hinarap siya ng lalaki.

“Magician din ako. Kaya ko siyang pagalawin.” Totoo nga ang sinabi ng lalaki dahil sa pag-snap niya ng kanyang fingers ay tumayo at naglakad ang higanteng stuffed toy palapit sa kanya.

Tahimik silang naglakad. Magaan ang loob ni Romina sa lalaking noon lamang niya nakilala.

“Manong, ako po si Romina. Ano pong pangalan ninyo?”

Ngumiti ang lalaki pagkatapos ay nagsalita: “Pwede mo akong tawaging Mr. Wolf, Romina.”

“Okay po Mr. Wolf.” nakangiting ulit ni Romina.











Click to set custom HTML

    Leave a comment