Mga Baliw na Manunulat

Love Letter and Chuckie
(Chapter 15)

Akda ni: Sunpriestess


                 

             
 
Makalipas ang ilang linggong pagkakasakit ni Clarence ay muli na itong nakabalik sa eskwelahan para pumasok at sa pagbabalik nito ay malaking pagbabago ang nangyari sa buhay ni Lira. Ang kanyang bestfriend na si Nadine, ngayon ay kaaway na niya. Lagi nitong sinasabotahe ang kanyang mga assignments at project. Si Clarence naman ay laging nakabuntot sa kanya saan man siya magpunta. Ngunit ang bagay na ikinakalungkot ni Lira ay ang pagiwas ni Brian sa kanya. Bagamat nakakasama pa rin niya ito ay hindi na katulad ng dati. Pakiramdam niya ay may mali sa ipinapakita at pakikisama nito sa kanya.                Isang umaga papasok na sana si Lira sa classroom ng may bumangga sa kanya. Muntik na siyang matumba sa sahig kundi lang siya nasalo ng lalaking may malalakas na bisig. Mga bisig na pagmamay-ari ni Brian. Nang mapatingin siya sa lalake ay napakalakas ng kabog ng dibdib niya habang salo siya nito at ang mga kamay nito ay nasa bewang at balikat niya. Parang nag-uunahan sa pagtibok ang kanyang puso at hindi siya makahinga.

                “Ok ka lang ba Lira?” tanong ni Brian kay Lira. Hindi naman nakaimik si Lira. Tulala pa rin siya dahil sa bilis ng tibok ng kanyang puso. Nag-alala naman si Brian dahil hindi makasagot si Lira kaya inulit niya ang kaniyang tanong. “Lira ok ka lang ba?”

                Saka lang parang natauhan si Lira. Dali-dali siyang umalis sa pagkakayakap ni Brian at sumagot. “Ah…o…oo ok lang ako salamat”

                “Lira ok ka lang ba? Nadine ano ba? Mag-ingat ka sa susunod! Muntik na tuloy masaktan si Lira” sabi naman ni Clarence na nakalapit na rin sa kanila.

                Nang tignan ni Lira ang taong tinutukoy ni Clarence ay saka lang niya nakitang ang kaibigan niyang si Nadine ang bumangga sa kanya. Masama ang tinging ibinigay nito sa kanya bago muling pumasok sa classroom.

                “Ayos ka lang ba Lira?” muling tanong ni Clarence sa babae. Tumango lang si Lira. “Mabuti naman at ayos ka lang” sabi nito at saka ngumiti.

                Si Brian naman ay biglang umalis at pumasok na sa classroom. Tatawagin sana ni Lira si Brian pero kinausap siya ni Clarence. Hinabol na lamang niya ng tingin si Brian habang papasok ito sa classroom.

                Tuwing lunch ay hindi na rin nagkakasabay si Lira at Brian. Palagi kasing umeeksena si Clarence. Last subject nila sa kanilang morning class nang lumapit sa upuan ni Lira si Brian.

                “Lira…sabay na tayong mag….” Sabi ni Brian kay Lira ng may biglang sumingit sa sinasabi ni Brian.

                “Sabay na tayong maglunch Lira” singit ni Clarence.

                Napatingin si Brian kay Lira. Alam niyang yayain din siya nitong maglunch kaya lamang ay nasingitan ito ni Clarence. Magsasalita sana siya ng umimik din si Brian.

                “Sige kumain na kayo Lira. Mamaya na tayo magtanungan tungkol sa assignment natin.” Sabi ni Brian at saka binigyang daan si Lira.

                “Tayo na Lira. Nagugutom na kasi ako.” Sabi ni Clarence saka hinawakan si Lira sa kamay at giniya paalis.

                Napatigil si Lira nang may humawak sa isa pa niyang kamay. Nang tignan niya kung sino ay si Brian pala. Mahigpit nitong hawak ang kanyang kamay. Nang mapatingin siya sa mga mata nito ay kita niyang parang nagmamakaawa ito na may halong kalungkutan. Biglang may sumikdo sa dibdib ni Lira. Hindi niya maintindihan pero parang naging maligalig ang puso niya.

                Maya-maya ay unti-unti rin siya nitong binitiwan. Hinila naman siya kaagad ni Clarence palabas ng classroom. Muling tinignan ni Lira si Brian bago siya makalabas ng pinto ng classroom. Habang naglalakad sila palabas ni Clarence ay ginugulo siya ng mga reaksiyon ni Brian. At ano ang ibig sabihin ng mga mata nito. Bakit parang gusto niya itong yakapin. At nang unti-unti nitong bitawan ang kaniyang kamay ay parang ayaw niyang bitawan siya nito.

Bigla siyang nakaramdam ng kalungkutan. May pumatak na luha sa mga mata ni Lira. Naguluhan siya sa kaniyang sarili. Agad niyang pinahid ang kanyang luha dahil baka mapansin iyon ni Clarence. Hindi dapat ito makita ng lalake dahil baka tanungin siya nito at wala siyang maisip na isasagot dito.

Sa may bintana ng classroom ay naroon si Brian. Pinapanood niya si Clarence at Lira na magkahawak kamay habang naglalakad patungo sa canteen ng eskwelahan. Hindi niya maitatago ang tindi ng selos na kaniyang nararamdaman. Pero hindi niya maaaring pigilan si Lira. Alam niyang ito ang gusto ng babae. Kung ang makasama si Clarence ang makakapagpapaligaya kay Lira ay pipiliin niyang lumayo kahit na nasasaktan siya.

“Nagseselos ka di ba? Bakit hinahayaan mo na lang siyang makasama si Clarence?” tanong ng babaeng nasa likod ni Brian. Napalingon naman si Brian sa taong nagsalita sa likod niya.

“Bakit wala ka atang ginagawa para mapasaiyo si Lira? Di ba bad boy ka? Asan na ang pagkabadboy mo? Naputol na ba ang sungay mo? Nabahag na ba ang buntot mo?” tanong ni Nadine na dahan dahang umupo sa lamesa.

Tinignan lang ni Brian si Nadine. Hindi niya pinatulan ang mga sinasabi nito. Habang tinitignan niya ito ay kitang-kita niya ang galit sa mga mata nito kahit nakangiti ito sa kanya na parang nang-aakit. Maya- maya ay naglakad ito palapit sa kanya at inilapit nito ang bibig sa kanyang tenga.

“Gusto mo tulungan kita?” bulong ni Nadine kay Brian. Saka unti-unting lumayo na may ngiti sa mga labi.

Tinitigan lang ni Brian si Nadine. Desperada na talaga itong mapabalik si Clarence dito. Mahal na mahal lang siguro nito si Clarence kaya gagawin nitong lahat mapabalik lang ang lalake sa piling nito. Kagaya lang niya itong nagmamahal at gagawin ang lahat para sa pag-ibig.“Anong plano mo?” tanong ni Brian kay Nadine.

“Simple lang. Paglalayuin natin ang dalawa. Kung kailangang gumamit ng dahas gagamit tayo.” Sabi nito na lumaki ang pagkakangiti sa labi. “Bad boy ka naman, kayang kaya mo iyon! Ibig bang sabihin ng tanong mo payag ka na sa plano ko?”

“Baliw ka kung iniisip mong papayag ako sa plano mo! Hindi ako sasali sa kabaliwan mo!” matigas na sabi ni Brian habang masama ang pagkakatitig kay Nadine. Kahit na mahal niya si Lira hindi niya gagawing saktan ito para lang mabaling ang pag-ibig nito sa kanya.

Biglang nawala ang pagkakangiti ni Nadine sa sagot ni Brian. Akala niya ay payag na ito sa plano niya. Ngunit mali pala ang akala niya. Nagngingitngit na naiwanan siya sa loob ng classroom. Lumapit siya sa bintana kung saan naroon kanina si Brian. Kitang-kita niya ang ginagawang pagaasikaso ni Clarence kay Lira. Masama ang tinging ipinukol niya sa dating kaibigan. “Hindi ako papayag na mapasaiyo si Clarence Lira. Akin lang siya!” galit na bulong ni Nadine sa sarili. Saka marahas na lumayo sa bintana.

Si Brian naman ay nagtungo sa kanyang tambayan sa likod ng eskwelahan. Nang maupo siya sa ilalim ng puno ng Narra ay agad siyang nakaramdam ng matinding kalungkutan. Dati palagi niyang kasama sa ilalim ng punong iyon si Lira at umiinom ng Chuckie. Ngayon ay mag-isa na siya doon na umiinom ng Chuckie. Pagkahigop niya sa Chuckie ay agad naitaklob ni Brian ang kamay sa kanyang mga mata. Hindi na niya kaya pang pigilang ang nararamdamang kalungkutan sa mga sandaling iyon. Tahimik siyang umiyak sa ilalim ng puno ng Narra. Walang nakakaalam sa pag-iyak ni Brian kundi ang puno ng Narra at ang hanging waring yumayakap sa kanyang kalungkutan.

Simula na ng afternoon class nina Lira. Nakabalik nang lahat ng estudyante sa classroom maliban kay Brian. Hinahanap ni Lira ang lalake ngunit hindi niya ito makita. Nang magroll-call ang teacher sa unahan at tinawag ang pangalan ni Brian ay walang sumagot kaya napatingin lahat ng estudyante sa upuan ni Brian. Maya-maya ay nagbulungan na ang mga ito. Napatingin na lang si Lira sa kanyang mga kaeskwela habang nagbubulungan. Napadako ang mata niya sa kanyang kaibigang si Nadine. Bigla siyang kinabahan sa tinging ibinibigay nito sa kanya.

Pinatahimik ng guro sa unahan ang mga estudyante kaya biglang napatingin si Lira sa unahan. Muli niyang tinignan ang kaibigan at nakita niyang masama pa rin ang tingin nito sa kanya. Iniiwas kaagad niya ang tingin at ibinalik ang focus sa gurong nasa unahan. Kabadong-kabado ang dibdib ni Lira sa tinging ibinigay sa kanya ni Nadine. Galit na galit ito sa kanya. Kahit pilit niyang alisin sa kanyang isipan ang alalahaning iyon ay hindi niya magawa para bang nagbabadya ng panganib ang mga tinging iyon sa kanya ng dating kaibigan.

“Huwag! Pakiusap! Huwag!” naririnig na sigaw ni Brian. Kitang-kita niya si Lira na nagpupumiglas sa mga lalakeng may hawak dito. Hiyaw ito nang hiyaw at umiiyak. Naririnig din niyang isinisigaw nito ang kanyang pangalan. Sinusubukan niya itong hawakan ngunit hindi niya ito mahawakan. Gusto niyang iligtas ito ngunit parang hindi makagalaw ang kanyang mga paa. Hanggang makita niyang unti-unting lumalayo ang mga lalake habang tangay si Lira. Isinigaw niya ang pangalan ni Lira. Nakita niya itong nakabulagta sa sahig,duguan at walang malay. Nanginginig na nilapitan niya ang babae. Lumuhod siya sa harapan nito at saka niyakap ang babae. Nakita rin niya ang sulat kamay nito gamit ang sariling dugo at nakasulat ang kanyang pangalan. Sumigaw siya at pumalahaw ng iyak. Hindi niya matanggap na patay na ito.

Biglang nagising si Brian sa masamang panaginip. Agad niyang nasapo ang kanyang noo ng malamang panaginip lang pala ang lahat. Napansin din niyang basa ang kanyang pisngi dahil sa mga luhang dumaloy doon. Nang tignan niya ang kanyang paligid ay nalaman niyang nasa ilalim pa rin siya ng puno ng Narra sa kanilang eskwelahan. Nakatulog pala siya doon at inabot na ng gabi.  Tumayo si Brian at nagpasya ng umuwi.

Habang naglalakad pauwi si Brian ay naalala niya ang kanyang panaginip. Hindi niya maintindihan pero nag-aalala siya para kay Lira. At bigla siyang nainis dahil wala man lang siyang nagawa sa kanyang panaginip para iligtas si Lira. Bigla siyang bumalik ng daan. May kailangan siyang siguraduhin.

“Lira matagal na ring hindi napapadalaw dito si Brian. Ano na bang nangyari sa batang iyon?” tanong ng mama ni Lira habang nasa hapag-kainan sila.

“Oo nga anak. Wala na kaming naririnig na pumupuri sa luto mo kundi itong si Kuya Jeffrey mo” sabi naman ng ama ni Lira.

“Oo nga naman Lira. Miss ko na ang aming pagduduet ni Brian sa pagpuri sa luto mo. Asan na ba kasi siya?” tanong naman ni Jeffrey at sumubo ng kanin.

“Ah…ano po kasi….hindi ko rin po kasi alam eh” sabi naman ni Lira. Hindi niya malaman kung ano ang isasagot sa pamilya sa paghahanap ng mga ito kay Brian. Kahit kasi siya ay hindi malaman kung ano ang nangyayari kay Brian. Maging siya ay parang hinahanap-hanap na rin ang presensiya ng lalake.

“May tampuhan ba kayong dalawa? May away ba kayong dalawa?” tanong naman ng kuya Jeffrey ni Lira.

“Naku kuya! Wala no! Di kami magkaaway ni Brian.” Agad na sagot ni Lira.

“Eh bakit di mo na siya kasama?” tanong uli ni Jeffrey. Hindi naman nakasagot si Lira sa kanyang kapatid.

“Naku anak ganyan talaga ang magsyota. Hindi talaga maiiwasan na magkameron ng mga away at tampuhan. Unawain niyo na lang ang isa’t-isa at magbigayan ng tumagal at tumibay ang pagsasama ninyo katulad naming ng daddy niyo” sabat naman ng ina ni Lira.

“Oo nga anak. Unawain mo na lang si Brian” pagsang-ayon naman ng ama ni Lira.

Biglang nasamid si Lira sa kanyang pagkain. “Daddy! Mommy! Di ko po boyfriend si Brian!” agad na sabi ni Lira pagkainom ng tubig. Nagblush siya dahil sa sinabi ng kaniyang mga magulang.

“Hindi kayo magboyfriend ni Brian? Kung ganoon, bakit lagi kayong magkasamang dalawa? Bakit iba ang tinginan at ngitian ninyo? Bakit lagi kang masaya kapag kasama mo si Brian? Bakit para kayong may sariling mundo ni Brian kapag magkasama kayong dalawa?” sunod-sunod na tanong naman ni Jeffrey.

“Kuya ang dami mo namang tanong eh. Hindi nga kami magboyfriend ni Brian!” naiinis na sagot ni Lira sa kapatid.

“Aba ay sayang naman ang batang iyon. Boto pa naman ako sa kanya mabait na, matalino pa, magaling pang magbasketball,masipag pa, kasundo namin at mahal na mahal ka Lira. Bakit kasi ayaw mo pang sagutin?” tanong naman ng ama ni Lira.

“Daddy!” pigil ni Lira sa ama.

“Oo nga anak. Botong-boto pa naman ako sa kanya. Gwapo na, mabait pa at tama ang iyong ama, mahal na mahal ka ni Brian. Naku kung magkakaapo ako sa kanya siguradong magaganda at gwapo ang apo ko. Di ba honey?” natutuwang sabi naman ng ina ni Lira bago yumakap sa ama ni Lira.

“Mommy ano ba kayo? Hwag nga po kayong ganyan” namumulang pigil ni Lira sa ina ngunit hindi na siya pinansin nito dahil parang nagkameron ng sariling mundo ang mga ito.

Napatingin naman si Lira sa kanyang Kuya Jeffrey at nakita niyang nakatawa ito saka sunod-sunod na umiling bago sumubo ng pagkain. “Ang gulo niyo!” naibulong na sabi ni Lira sa sarili bago naiinis na bumuga ng hangin. Namumula pa rin siya sa sinabi ng kanyang pamilya tungkol kay Brian.

Mula sa labas ng bahay ni Lira ay nakamasid si Brian. Naririnig niya ang masayang tawanan ng mga ito. Nadidinig din niya ang boses ni Lira. Mukhang inaasar na naman ng pamilya nito si Lira. Napanatag ang kanyang kalooban ng malamang maayos ang lagay nito. Naghintay pa siya ng ilang sandali at nagmasid ng makita niyang nagbukas ang ilaw sa kwarto ni Lira. Nang mamatay ang ilaw ay saka lang nagpasya si Brian na umalis. “Goodnight Lira. Sweetdreams!” bulong ni Brian sa sarili bago naglakad palayo sa bahay nina Lira.

Si Lira naman ay parang may narinig na tumawag sa kanyang pangalan habang nakahiga siya sa kanyang kama. Nagtungo siya sa bintana. Wala naman siyang nakitang tao doon. Sa halip na takot ang maramdaman ni Lira ay parang hinahaplos ang puso niya ng pagtawag na iyon sa kanyang pangalan.



  

  
                         




    Leave a comment