Mga Baliw na Manunulat

Love Letter and Chuckie
(Chapter 13)

Akda ni: Sunpriestess


                 

               Naghapunan nga si Brian sa bahay nina Lira at ang isang beses ay naging malimit. Halos gabi-gabi ay sa kanila na pinaghahapunan ng kanyang pamilya si Brian at tuwing araw ng lingo ay sama-sama silang nagpupunta sa Basketball Court para maglaro ng Basketball.

                Mahilig maglaro ng basketball ang ama at kuya Jeffrey ni Lira pero hindi niya akalain na mahilig din pala si Brian sa basketball. Hindi lang ito basta  marunong kundi mahusay itong maglaro. Maging ang kuya Jeffrey niya na isang Varsity player ng basketball ay nahihirapan sa lalake pero hindi maitatanggi ang ngiti sa kuya at ama niya dulot ng kasiyahang magkameron ng mahusay na katunggali sa larong naging bonding moment nilang pamilya.  Unti-unti si Brian ay nagiging isa na sa kaniyang pamilya.

                Masaya si Lira para kay Brian dahil sa pamamagitan ng kaniyang pamilya ay parang nagkakameron na rin ito ng sariling pamilya. Maaga itong naulila sa kaniyang mga magulang kaya masaya siyang makitang masaya rin ito kasama sila. At ngayong nagpapahinga ito ay masaya itong nakangiti habang nagpupunas ng pawis. Lumapit siya dito at inabutan ito ng inumin.

                “Ang galing mo ah! Hirap na hirap magbantay si kuya sayo!” sabi ni Lira at natawa.

                “Magaling din naman ang kuya mo lalo na kapag nagdadunk siya” sabi naman ni Brian at ininom ang iniabot na inumin ni Lira.

                “Siyempre kuya ko ata yun!” buong pagmamalaking sabi ni Lira.

                “Salamat Lira” maya-maya ay sabi ni Brian.

                “Para saan?” tanong naman ni Lira.

                “Salamat dahil kung hindi dahil sa’yo di ko mararamdaman ang magkameron ng pamilya. Salamat dahil nagiging masaya ako kapag kasama ko kayo” sinserong sabi ni Brian.

                Ngumiti lang si Lira sa  lalake at ngumiti rin naman si Brian kay Lira. Naudlot ang ngitian nilang iyon ng tawagin sila ng ina ni Lira para sa masarap na meryendang inihanda nito.

                Pagdating ng umaga ay sabay si Lira at Brian sa pagpasok sa eskwelahan. Balita rin ang pagkakameron ng sakit ni Clarence na ngayon ay nakaconfine sa hospital. Mahigit isang lingo na itong wala at ngayon nga ay pinaguusapan nila ang pagdalaw kay Brian at ang pagbibigay ng bulaklak at mga prutas dito bilang simbolo ng pagaalala nila. May isa rin silang representative na dadalaw kay Clarence at ang napili ng buong klase ay si Lira.

                Ayaw sana ni Lira na dumalaw sa lalake pero wala siyang magagawa kasi maging mismong ang adviser nila ay siya ang napili. Bumuntong-hininga na lang siya ng matapos ang botohan. Sa isang sulok naman ng klase ay masama ang tinging ipinukol ni Nadine kay Lira. Nagngingitngit ito dahil siya ang napili ng klase samantalang siya ang girlfriend ng lalake kaya siya dapat ang napili ng mga kaklase niya.

                Matapos ang klase ay nagtungo na si Lira sa hospital. Hindi siya nag-iisa kasi sinamahan siya ni Brian at masaya silang nagkekwentuhan sa daan. Pagdating nila doon ay agad silang pumunta sa kwarto kung saan nakaconfine si Clarence. Nagtaka si Lira ng hindi pumasok si Brian sa kwarto.

                “Anong ginagawa mo diyan? Halika pumasok ka na dito.” Anyaya ni Lira kay Brian.

                “Hindi na! Sa tingin ko mas makabubuti kung dito na lang ako” sabi naman ni Brian.

                Napakunot noo naman si Lira sa sagot ni Brian. “Sige! Ikaw ang bahala” sabi na lang ni Lira at tuluyan ng pumasok sa kwarto. Ngiti lang ang ibinigay ni Brian kay Lira.

                Sa loob ng kwarto ay nakita niya si Clarence na nakahiga sa kama at mukhang mahimbing ang tulog. Ayaw niya sanang istorbohin sa pagtulog ang lalake at iiwan na lamang sana niya ang mga bulaklak at prutas sa mesa nito ng bigla itong magmulat at tinawag siya.

                “Lira! Anong ginagawa mo dito?” tanong ni Clarence pagkakita sa kanya.

                “Ah dinadalaw ka. Ako kasi ang naging representative ng klase para kumustahin ka. Pinapasabi nga pala nila na magpagaling ka daw at namimiss ka na nilang lahat”

                Ngumiti si Clarence kay Lira. “Salamat sa pagdalaw Chocolate Cookie”

                Nagulat si Lira sa itinawag sa kanya ni Clarence. “Ah hindi Chocolate Cookie name ko, Lira po. Ah gets ko na! Gusto mo ng Chocolate Cookie? Naku pasensiya na ha prutas lang at bulaklak lang ang dala ko”

                Natawa si Clarence sa sinabi niya. “Huwag ka nang magpanggap Lira. Alam kong ikaw si Chocolate Cookie”

                “Ano bang pinagsasasabi mo diyan Clarence”

                “Hindi ka makakapagsinungaling sa akin Lira. May ebidensya ako”

                Napalunok naman si Lira, bigla kasi siyang kinabahan sa sinabi ni Clarence  “Ebidensya? Anong ebidensya?” naguguluhang tanong ni Lira.

                Inilabas ni Clarence ang notebook niya, ang notebook ni Nadine at ang love letter na ibigay niya noon sa lalake. “Hindi ko sana malalaman ang katotohanan kung hindi ko lang napansin ang mga nasa ebidensyang ito.”

                “Ano ba ang meron diyan?”

                Ngumiti si Clarence at saka sinagot ang tanong ni Lira. “Ang sulat kamay mo Lira! Ibang-iba ang sulat mo sa sulat kamay ni Nadine”

                Napanganga si Lira at saka lang napansin ang sinasabi nito. “Siyempre magkaiba kami kaya magkaiba kami ng sulat kamay”

                “Iyon na nga mismo. Kung hindi ipinahiram sa akin ni Nadine ang notes niya pati na rin ang notes mo hindi ko pa ito mapapansin. Lira ang sulat kamay mo at ang sulat kamay ni Chocolate Cookie ay magkapareho. Ibang iba ang sulat ni Chocolate Cookie sa sulat kamay ni Nadine.”

                Biglang nag-iwas ng tingin si Lira. Hindi niya matagalan ang titig ni Clarence. “Aalis na ako Clarence. Magpagaling ka”

                Hahakbang na si Lira palayo ng hawakan siya ni Clarence sa kamay at hinila pahiga sa kama. Nasa ibabaw  na niya ngayon ang lalake.

                “Huwag ka nang tumanggi Lira. Alam kong ikaw si Chocolate Cookie! Noong una pa lang hinala ko na ikaw ang aking Cookie Girl. Umasa akong ikaw nga iyon dahil gusto rin kita. Napaibig mo ako lalo sa mga liham mo. Kaya nagulat ako ng si Nadine ang nakita ko sa classroom.”

                Hindi nakaimik si Lira dahil nagulat siya sa sinabi  ni Clarence. Unti-unting lumalapit ang mukha nito sa mukha niya. Itutulak na sana niya ito ng may marinig silang sigaw. Nakita nila si Nadine na nakatayo sa may pinto at umiiyak.

Bigla namang pumasok si Brian dahil sa sigaw ni Nadine at nakita si Clarence na nasa ibabaw niya. Bigla siyang nahiya at itinulak palayo si Clarence.

“Ba…Bryan a…ano mali ang iniisip niyo” nabubulol na paliwanag ni Lira at agad ding tumayo.

Sikretong napakuyom ng palad si Brian sa nakita. Samantala akmang susugurin ni Nadine si Lira ng iharang ni Brian ang sarili sa harap ni Lira.

“Tumabi ka Brian! Tabi sabi!” sigaw ni Nadine sa lalake.

Hindi naman natinag si Brian. Hinawakan niya ang kamay ni Lira at dali-daling umalis ng kwarto. Naibato naman ni Nadine ang bag sa pinto ng makatakas ang dalawa.


  

  
                         




    Leave a comment