Mga Baliw na Manunulat

Love Letter and Chuckie
(Chapter 12)

Akda ni: Sunpriestess


                 

                 Pumunta si Lira sa palengke para mamili ng kanyang gagamitin sa pagluluto mamayang hapunan. Nakaplano sa kanilang dinner ay Kare-kare, ang paborito ng kaniyang ama. Naglalakad na siya pauwi nang may makita siyang pamilyar na tao.               

                      “Brian!” Tawag niya sa taong makakasalubong niya.

                “Oh Lira andito ka pala. Ano iyan?” tanong ni Brian sa kanya.

                “Ah rekado para sa kare-kareng iluluto ko mamaya”

                “Wow nagugutom tuloy ako. Paborito ko kasi ang kare-kare”

                “Talaga paborito din kasi ito ng aking ama”

                “Ah biruin mo nga naman” sabi ni Brian at natawa silang pareho.

                “Pauwi ka na ba?” tanong ni Brian.

                “Oo”

                “Ihahatid na kita”

                Ngumiti lang si Lira at naglakad na sila. Kinuha ni Brian ang mga bitbit ni Lira at siya na ang nagdala nito. Muling namula si Lira sa iginawi ng lalake pero unti-unti na rin siyang nasasanay sa pagiging gentleman nito at lagi din siyang inihahatid nito sa tapat ng kanilang bahay.

                Masaya silang naguusap habang naglalakad ng may humarang sa kanilang daraanan. Nasa harapan nila ang limang lalake na kung umasta ay parang mga siga.

                “Aba! Aba! Tignan mo nga naman kung sino ang nakasalubong namin” sabi ng lalakeng nasa gitna na mukhang lider ng grupo.

                Biglang natakot si Lira kaya napakapit siya kay Brian at nagtago sa likod nito. Si Brian naman ay nakakunot noong nakatingin lang sa mga lalake.

                “Sino kayo?” tanong ni Brian sa mga lalake.

                “Nang-aasar ka ba? Kami iyong pinabagsak mo sa School dati. Narito kami para maghiganti!” galit na galit na sabi ng pinuno ng grupo.

                “Ah! Sorry di ko na matandaan eh” sabi ni Brian at tumingala pa na waring nagiisip.

                “Ano ka ba Brian! Lalo mo lang silang ginagalit eh” galit na bulong ni Lira kay Brian at hinampas pa ang likod ng lalake.

                Natawa si Brian dahil kay Lira. “Don’t worry akong bahala” bulong ni Brian kay Lira.

                “Naku Brian huwag kang makikipag-away”

                “Ok!”

                “Anong Ok?”

                “Hindi ako makikipag-away sabi mo eh!” sagot ni Brian. Si Lira naman ay muling namula sa sinabi ng binata. Bakit ba parang lahat ng sinasabi nito ay nakakapagdulot sa kanya ng ibang pakiramdam. “Pagbilang ko ng tatlo takbo tayo ha!” muling bulong nito at kumindat pa.

                “Ano bang pinagbubulungan ninyo diyan? Nakakaasar ka na talaga Brian! At tarantado ka para hindi makilala ang pagmumukhang ito! Pagbabayaran mo ang ginawa mo sa amin dati!” Sigaw ng lalake.

                Si Lira ay naghanda na para sa kanilang plano ni Brian. Sumenyas ang lalake sa mga daliri nito sa likod at ng maging tatlo iyon ay tumakbo sila. Sinundan sila ng mga lalake sa pagtakbo. May nabubunggo pa ang mga ito na mga tao pero himala dahil silang dalawa ni Brian ay wala. Mahusay ang lalake sa pag-iwas maging siya ay nakokontrol nito.

                Mahabang habulan ang nangyari at si Lira ay pagod na pagod na. Napansin ito ni Brian kaya nagtago sila sa likod ng mga tambak na kahon sa loob ng eskinita.

                “Ayos ka lang?” tanong ni Brian kay Lira.

                “Oo ayos lang ako. Medyo napagod lang” hinihingal na sagot ni Lira.

                “Pasensiya na pati ikaw nadamay”

                Hinawakan ni Lira ang kamay ni Brian. “Wala kang dapat ihingi ng pasensiya kasi alam kong hindi mo rin ginusto ang gulong ito. Kailangan mo lang ipagtanggol ang sarili mo dati”

                Para namang hinaplos ang puso ni Brian sa sinabing iyon ni Lira. Napalunok siya, para kasing may nagaanyaya sa kanyang halikan ang dalaga. Buti na lang at nakita nila ang mga lalake na tumatakbo pa rin at hinahanap sila kung hindi baka nahalikan nga niya si Lira. Nagtago sila ng maigi sa likod ng mga kahon para hindi sila makita.

                Nang maramdamang wala na ang mga lalake ay lumabas na rin sila ng may napansin si Lira na taong pamilyar sa kanya.

                “Kuya Jeffrey!” gulat na sabi ni Lira sa kaniyang kuya.

                “Lira! Anong? Anong ginagawa mo kasama ang lalakeng ito?” tanong ng kuya ni Lira.

                “Ano kasi kuya…ano ah…paano ko ba sasabihin ito?”

                “Lira kabata-bata mo pa nakikipagdate ka na agad! Siya ba ang dahilan kaya bigla kang nagcutting classes sa school mo?” galit na sabi ng kuya ni Lira.

                “Kuya hindi ganoon! Iba ang dahilan?”

                “Kung ganun ano?” nakakunot noong tanong ni Jeffrey.

                “Sa wakas nakita rin namin kayo!” sabi ng lider ng grupo ng mga lalake na humahabol kina Brian kanina.

                Napalingon ang tatlo sa mga lalake na ngayon ay mukhang galit na galit na talaga. “Hindi na kayo makakatakas ngayon!” sigaw ng isa sa mga lalake at agad inihambalos ang hawak nitong kahoy.

                Nakaiwas naman si Brian pero nagsisuguran na rin ang iba. “Takbo!” sigaw ni Brian at nagsipaktakbo nga sina Lira, Brian at pati na rin ang kuya Jeffrey niya. Mahabang habulan at taguan na naman ang nangyari at nang mapapunta sila sa isang bakanteng lote ay nagpahinga muna sila.

                Nagulat si Brian ng may humila sa kanyang damit. Nakita niya ang kuya ni Lira na hawak ang kanyang T-Shirt at nakaamba ang kamao.

                “Sino ka bang lalake ka at nais mo pang ipahamak ang kapatid ko!” sabi ni Jeffrey na mukhang galit na galit.

                “Kuya bitawan mo siya! Wala siyang kasalanan” awat ni Lira sa kanyang kuya.

                “Kung ganun ipaliwanag mo ang gulong ito” sabi ni Jeffrey kay Brian at binitiwan ang lalake.

                “Ako talaga ang pakay ng mga lalakeng iyon nadamay lang si Lira. Nais nilang maghiganti sa ginawa ko dati sa kanila”

                “Maghiganti? Bakit ano bang ginawa mo sa kanila?”

                “Itinumba ko kasi sila sa dati kong eskwelahan. Kilala kasi akong siga sa eskwelahan namin kaya hindi maiiwasang may maghamon”

                Nagtiim-bagang naman si Jeffrey sa narinig. “Mula ngayon layuan mo na ang kapatid ko! Ayaw kong mapahamak ang kapatid ko kaya layuan mo siya!” galit na sabi ni Jeffrey kay Brian at idinuro pa ang lalake. “At ikaw naman Lira itigil mo na ang paglapit o pakikipagkita sa kaniya naiintindihan mo ba!” baling ni Jeffrey sa kapatid.

                “Pero kuya…”

                “Walang pero pero! Sundin mo ako Lira kung ayaw mong magalit kami nina Mama sa iyo”

                Natahimik naman si Lira habang umiiyak. Hindi kasi niya alam ang gagawin sa mga oras na iyon ng makita niya ang isang lalake na papaluin ng kahoy sa ulo ang kanyang kuya. Napasigaw siya at tinawag ang kanyang kuya. Paglingon ni Jeffrey ay nakita niya ang kahoy na hahampas sa kanya ngunit nagulat siya ng biglang may sumuntok sa lalake.

                “Walang pwedeng manakit sa mga taong malapit kay Lira naiintindihan ninyo! Ako ang kailangan ninyo kaya ako ang harapin ninyo! Huwag niyo silang idamay” sabi ni Brian na galit na galit  at masama ang tingin sa mga lalakeng kanina ay humahabol sa kanila.

                Agad sumugod ang mga lalake kay Brian. Ngunit lahat ng mga atake ay naiiwasan ni Brian. Iwas lang ng iwas si Brian at nang may pagkakataon na ay siya na ang sumugod at isa-isang pinabagsak ang mga lalakeng naghahamon.

                Nang matapos ang gulo ay lumingon siya sa kinaroroonan ni Lira at ng kapatid nito. Agad namang tumakbo ang dalaga sa lalake at niyakap ito. Nagulat si Brian ngunit hinayaan lang niya ang babae.

                Lumapit na rin maya-maya si Jeffrey at inabot ang kamay kay Brian.  Inabot naman ni Brian ang kamay ng lalake. Nagtitigan lang ang dalawa na wari’y nag-uusap ang mga mata nila.

                “Sa amin ka na maghapunan pare! Masarap magluto itong si Lira ng Kare-Kare” sabi ni Jeffrey at ngumiti.

                Si Brian naman ay tumango at ngumiti rin. Si Lira naman ay nagtaka sa dalawang lalake. Paano nangyaring nagkasundo ang dalawa samantalang kanina lang ay susuntukin ng  kuya niya ang lalake.


  
   
                     




    Leave a comment