Mga Baliw na Manunulat

Love Letter and Chuckie
(Chapter 10)

Akda ni: Sunpriestess


Nagsimula ang klase at inisa-isa ng guro ang pangalang ng mga etudyante. Nang tawagin ang pangalang Brian Agoncillo ay nagtinginan ang lahat ng estudyante sa lalakeng

katabi ni Lira sa upuan.

“Aba himala ata Mr. Agoncillo. Mukhang maayos ata ang pananamit mo ngayon? Anong nakain mo?” tanong ng gurong lalake sa unahan.

“Sir, gusto ko namang maranasan ang pakiramdam ng hindi nasisipa sa klase.” Sagot ni Brian.

“Anong klaseng sagot iyan? Si…”

“Sir! Ang ibig po niyang sabihin ay gusto po niyang matuto sa inyong mga ituturo. Ano po bang lesson ang ituturo ninyo ngayon?” singit ni Lira para matigil ang galit

na guro sa pagsasalita. Natigilan naman ang guro sa pagsasalita at nagtinginan naman ang lahat ng kanyang kaklase sa kanya.

“Ah sige, simulan na natin ang klase. Our topic for today is Algebra” pagsisimula ng guro sa paglelecture. Nang tumingin si Lira kay Brian ay nakakalokong ngiti

ang ibinigay nito sa kanya. Hampas sa braso at panlalaki ng mata ang isinukli niya sa lalake. Mula sa isang parte ng classroom ay masama ang tingin ni

Clarence sa dalawa.

Buong araw ay hindi komportable si Lira sa klase. Nakikita kasi niya si Clarence at Nadine sa klase na naglalambingan. Gusto sana niyang magwalk-out na naman kaso

lagi siyang pinipigilan ni Brian. Nakadagdag pa sa kanyang pinoproblema ang lalake. Hindi naman niya maaaring komprontahin ang lalake sa klase sa

kadahilanang wala namang nakakaalam sa eskwelahan na close sila.

Huling subject ng araw na iyon. May isang topic na binigay ang kanilang guro para kanilang pagdebatehan. Nahati sa dalawang grupo ang klase. Magkasama sa

kabilang grupo si Clarence at Nadine. Samantalang sa kabila ay magkasama si Brian at Lira.

Nagsimula ang debate. Naging mainit ang pagpapalitan ng dalawang grupo ng kanilang mga opinion. Nagsimulang umimik si Nadine ng kanyang opinyon. Bilang kasapi sa

kabilang grupo ay nagsimulang ipagtanggol ni Lira ang kanyang panig. Habang nagpapalitan sila ng mga salita ay ramdam ng buong klase ang tensyon sa pagitan

ng dalawa. Hindi matinag si Lira sa pagsasalita. Parang gustong-gusto niyang ilabas ang lahat ng kaniyang galit sa kaibigan, gusto niyang ipahiya ito. Pero

biglang sumali na rin si Clarence sa debate. Noong una ay nagagawa ni Lira na lumaban pero ng makita niyang parang ipinagtatanggol ni Clarence si Nadine ay

parang nais na niyang umiyak at sumuko. Gusto na niyang umalis sa lugar na iyon.

Nang may humawak sa balikat ni Lira ay napatingin siya sa kung sinuman iyon. Nakita niya si Brian na buong suyong nakatingin sa kanya at ngumiti. Bumulong pa ito

sa kanya ng “Ako nang bahala!” saglit lang iyon pero nanginig ang buong katawan niya at pakiramdam niya ay nanlambot ang kanyang mga tuhod. Nagsimula ang

pagpapalitan ng opinyon ng dalawang lalake. May mga saglit na nakikisabat sa palitang kuru-kuro pero ang palaging naglalaban ay si Brian at Clarence.

Humanga ang lahat ng estudyante kay Brian sa ipinamalas nitong talino at galing sa pakikipagdebate kaya ng mapatiklop nito si Clarence ay nagsipalakpakan ang

lahat kasama ang guro. Ang ilang mga babaeng kaeskwela ni Lira ay nagtilian pa na animo kinikilig. Tumingin naman si Brian kay Lira at kumindat.

Inianunsyo ng guro na panalo sa debate ang grupo nina Lira. Tumunog ang bell at isa-isa nang nagsialisan ang mga estudyante para umuwi sa kani-kanilang mga tahanan.

Nakita ni Lira na niyakap ni Clarence si Nadine habang sinasabing “It’s ok babe” dahil ang babae ay naiiyak at naiinis dahil natalo sila.

Nais na ring umiyak ni Lira nang may humawak sa kanyang kamay at hinila siya palabas ng classroom. Si Brian pala ang taong iyon at ang direksyon na kanilang pupuntahan

ay sa likod ng eskwelahan. Sa tambayan ni Brian sila nakarating at agad umupo sa ilalim ng puno ng Narra. Agad siyang binigyan ni Brian ng Chuckie at kanila

itong ininom.

“Kumusta ka na?” tanong ni Brian.

“Huh?” naguguluhang tanong ni Lira.

“Sabi ko, kung kumusta ka na? Para kasing paiyak ka na kanina sa selos.”

“Sinong may sabing paiyak na ako.” Tanggi ni Lira.

“Naku nagdeny pa itong si Genious Girl”

“May pangalan ako! Lira ang pangalan ko!” sigaw ni Lira.

“Eh bakit nagagalit ka na diyan? Hays pag-ibig nga naman”

Masamang tingin lang ang ibinigay ni Lira kay Brian habang sumisipsip ng Chuckie. Napatawa naman si Brian sa babae.

“Naku ang cute mo!” sabi ni Brian at kinurit sa pisngi si Lira. Umiwas naman si Lira pero ramdam naman niya ang pamumula ng kaniyang pisngi.

“Eh ikaw ano bang nangyari sa’yo?” tanong ni Lira kay Brian.

“Wala namang nangyari sa akin ah”

“Hindi naman iyon ang big kong sabihin. Anong nangyari sa’yo at nagkaganyan ka? Bakit nawala ang may highlights mong buhok at naging itim? Bakit nakasarado na ang

butones ng iyong polo? Bakit nawala ang hikaw mo sa tenga? Bakit wala ka ng suot na bangles na may mga tinik? Bakit ka pumasok sa klase kanina at hindi

tumambay dito sa tambayan mo?” sunod-sunod na tanong ni Lira.

Tumawa lang ang lalake ng napakalakas at napahiga pa ito sa pagtawa. Hinampas naman ni Lira ang lalake sa tiyan.

“Hoy ano ba! Hindi ako nagpapatawa. Ano nga sagutin mo nga ako” naiinis na sabi ni Lira kay Brian.

“Binabantayan ka! Kasi baka magwalk-out ka na naman sa klase eh. At kung wala nga ako kanina malamang nag-walkout ka na nga kanina”

“Hindi ko kailangan ng bodyguard!”

“Hindi mo ba naisip na pwede kang mapahamak kung lagi kang magwa-walk-out? Imposibleng hindi pa nakakarating sa parents mo ang ginawa mo kahapon”

Natigilan si Lira. Saka lang niya naisip na maaari ngang umabot na sa parents niya ang ginawa niyang pagwawalk-out kahapon. Kanina sa administration office ay

samu’t-saring katanungan ang kanyang napala na wala naman siyang sinagot kahit isa. Posible ngang nagbigay na ang eskwelahan ng notice sa kaniyang mga

magulang. Dahil doon ay natakot siyang bigla.

“Oh ano naisip mo na ngayon?” tanong ni Brian.

“Brian anong gagawin ko?” ganting tanong ni Lira.

“Aba! Ewan ko sa iyo? Sino ba kasing nagwalk-out diyan kahapon” hinampas naman ni Lira si Brian sa braso.

“Teka nakakailan ka na ha! Kanina ka pa hampas ng hampas diyan!” Nakakunot noong sabi ni Brian kay Lira halatang naiinis na.

“Ikaw kasi! Nahingi ako ng tulong sa iyo ginaganyan mo pa ako”

“Tinulungan na naman kita kanina ah! Kung wala ako kanina sa klase malamang nagwalk-out ka na. Alam mo ba kung gaano kabanas ang magsuot ng polo na nakasarado ang mga butones” reklamo ni Brian habang isa-isang tinatanggal ang butones ng kanyang suot na polo at saka nahiga sa damuhan. Si Lira naman ay napapalunok habang

nakatingin kay Brian. “At alam mo ba kung gaano kahirap kumalas sa mga babaeng dumudumog sa akin kanina?” tanong ni Brian at tumingin kay Lira.

Si Lira naman ay agad iniiwas ang tingin sa lalake ngunit ramdam niya ang pamumula ng kaniyang pisngi. “Bakit gwapo ka ba para

pagkaguluhan ka ng mga babae?”

“Hindi ba ako gwapo para sa iyo?”

“Hindi”

“Di nga?” tumayo si Brian at lumapit kay Lira. Inilapit din nito ang mukha sa mukha ni Lira. “Hindi ka nagagwapuhan sa akin?” tanong muli ni Brian habang papalapit

ng papalapit sa mukha ni Lira. Si Lira naman ay paatras ng paatras ang ulo hanggang sa bumagsak siya sa damuhan. Hindi pa rin siya tinantanan ni Brian

kaya nasa ibabaw na niya ito.

“Brian! Kapag hindi ka tumigil sasampalin kita”

“Sagutin mo muna ang tanong ko”

“Hindi!”

“Weh di nga!” At inilapit ulit ni Brian ang mukha kay Lira. Malapit na malapit na kapag

gumalaw si Lira ay magkakahalikan na sila.

“Oo na gwapo ka na kaya umalis ka na sa ibabaw ko!” galit na sigaw ni Lira.

Agad namang lumayo si Brian at tumawa ng tumawa. Galit namang naibato ni Lira ang kanyang bag kay Brian. Nasanggahan naman ni Brian ang sarili pero hindi pa rin

natinag sa pagtawa.

“Naku Brian nakakainis ka!” galit na sigaw muli ni Lira pero tumawa pa rin ng tumawa si Brian. Sa inis ay dinampot ni Lira ang bag at naglakad palayo.

“Oy!Genious Girl saan ka pupunta?”

“Uuwi na! Nakakainis ka!”

Nakahabol naman si Brian sa kanya. “Ihahatid na kita”

“Huwag na. Kaya kong umuwing mag-isa” sa halip na iwan siya ni Brian ay kinuha nito ang bag niya. Hinawakan ang kanyang kamay at hinila siya papalabas ng

eskwelahan. Wala silang imikan habang naglalakad. Nang makarating sila sa bahay ni Lira ay agad ibinigay ni Brian ang gamit ng babae at agad nagpaalam. Hindi

maintindihan ni Lira pero parang ayaw pa niyang umalis ang lalake sa kaniyang tabi. Nais pa niyang hawakan nito ang kaniyang kamay.

   
                     




    Leave a comment