Mga Baliw na Manunulat

La Familia Adiktus 1: My Fiancé is a Vampire Chapter 1

Picture

By: Zaira King




 

Maaga palang ay ipinasundo na si Romina ng kanyang mga magiging amo sa kanilang family driver – isang anim na taong gulang na midget na kamukha ni Justin Bieber mula sa Congo, Africa. Excited na excited si Romina na sumakay sa limousine. First time niya iyong sumakay sa ganoong uri ng sasakyan. Pagdating sa malapalasyong mansiyon ni Don Ronald Gomez ay namangha talaga si Romina sa nakita niya. Hindi siya makapaniwala sa sobrang laki ng pool ng mga Gomez kung nasaan masayang lumalangoy ang isang butanding, limang buwaya, labing-limang great white sharks, isang libong jelly fish, limang kilong sapsap at si Bimbee Josh.

Grabe napaka yaman naman ni Don Ronald. Talagang siya na nga ang sagot sa panalangin ko,” tahimik na nasabi ni Romina habang nakatingin siya kay Mama Rene na pinayagan ng guard na manood habang umiihi ito. Kitang-kita ni Romina na nagi-enjoy si Mama Rene sa panood habang umiihi ang guard.

“Tuloy po kayo,” magalang na anyaya ng mayordoma ni Don Ronald kay Romina. “Ikaw pala ang bagong magiging katulong dito?” interesadong tanong niya sa dalaga.

“Opo.”

Tumangu-tango ang matandang babae. “Alam mo matagal na akong naninilbihan dito kila Don Ronald. Ang masasabi ko lang ay talagang mabait ang matandang iyon. Yun nga lang ang magiging problema mo ay yung anak niya at ang mga apo. Maldita ang mga iyon at masasama ang ugali –“

“Maraming salamat naman sa papuri mo sa amin Gretchen. Kaya naman mahal na mahal ka namin eh. Kasi lagi nalang magaganda ang sinasabi mo tungkol sa amin kapag nakatalikod kami.”

Parang iisang tao na napaangat ang tingin ng mayordoma na si Gretchen at ni Romina  sa pinanggalingan ng boses. Nakita nila na pababa ang anak ni Don Ronald, ang sikat na sikat na si Vicky Reyes. Kahit na may edad na si Vicky Reyes ay kitang-kita pa rin ang kagandahan at alindog nito. Hindi napigilan ni Romina ang humanga sa babae. Napaka-sexy nito sa suot niyang backless…na pantalon.

Hindi magkandatuto si Gretchen sa pagpapaliwanag. “Maam, hindi po – ano po kasi maam – bale po maam ganito po iyon.”

“Gretchen tumigil ka na nga!” asik ni Vicky Reyes. “Imbes na pa-petiks-petiks ka dito ay tulungan mo si Marjorie at si Claudine sa paglalaba doon sa likod bahay.”

“Opo maam,” mahinang sagot ni Gretchen na napatungo.

“So ano pang ginagawa mo rito?” taas-kilay na tanong ni Vicky, “Go!” Walang nagawa ang kawawang si Gretchen kundi ilagan ang ibinato sa kanyang sofa ng galit na amo.

Nang mapag-isa sina Vicky at si Romina sa living room ay biglang natakot si Romina. Nakakapanliit ang nanunukat na tingin sa kanya ng anak ni Don Ronald. Wala siyang magawa kundi ang magalang na yumuko habang nakaismid na nakatingin sa kanya ang babae.

“So ikaw pala ang bagong maid?”

“Opo maam.”

“Hmmmm…” nakakaloko ang ngiti sa mukha ni Vicky.

Maya-maya pa ay nakarinig si Romina ng mga yabag mula sa hagdan. Nakita niyang bumababa ng hagdan ang dalawang anak ni Vicky – si Solemn Heusaff at si Hurt Evangelista. Alam kaagad ni Romina na kambal ang dalawa. Hindi dahil sa parehong green ang kulay ng kanilang retainer sa ngipin, kundi dahil sa pina-enlarge at naka-frame na birthcertificate ng dalawa na nakasabit sa pader. Nakasabit din sa pader ang mga pictures ng mga sikat at maiimpluwensyang tao na kaibigan ng pamilya mula kay Barrack Obama, Prince Charles, Queen Elizabeth, George Bush, Oprah Winfrey, Tom Cruise, Angelina Jolie, Super Junior at Shaider hanggang sa mga tintitingalang personalidad sa Pilipinas katulad ng mga pangulo, mga senador, at mga artista tulad ni Charice Pempengco, Sarah Geronimo, Judy Ann Santos, Sharon Cuneta, Marian Rivera, Lotlot de Leon (and friends), Imelda Papin (and friends), Susan Africa (and friends), Ate Vee (and constituents) Tina Paner, Cathy Mora, L.A. Lopez at Lady Lee.

Napansin din ni Romina ang naka-frame na picture ng 45-year old na porn star na may down syndrome na inampon ni Solemn at Hurt mula sa Poland. Hindi pwedeng i-uwi ni Solemn at Hurt ang kanilang adopted daughter dahil pareho silang 14 years old palang. Although pinapayagan ng constitution ng Poland na mag-adopt ang mga teenager, ibang usapan na kung ang mga teenager na iyon ay galing sa isang third world country katulad ng Pilipinas, kahit pa ka-close nina Solemn at Hurt si Britney Spears, na adoptive mother ng presidente ng Poland.

Parehong sophisticated ang ganda ng kambal na madalas na makita sa society pages ng mga newspapers at magazines. Tinatawag silang “It Girls”.

“Mama, siya na ba ang bagong maid?” mataray na tanong ni Solemn.

“Yes, hija siya nga ang bago nating chimay.”

“Ewwwww – “ sabad ni Hurt. “Look at her mama. Mukha siyang nanggaling sa slums. She’s so kadiri.”

Biglang napasilip si Mama Rene.

“May tumawag ba sa akin?”

“At sino ka naman?” sabay-sabay na tanong ni Solemn, Hurt, Vicky, Gretchen, Marjorie at Claudine.

“Ako lang naman ang best friend ni Romina na mapapangasawa ni Don Ronald Gomez.”

Biglang napatingin ng masama ang mag-iina sa dalaga.

“Dream on girl,” nangungutyang saad ni Solemn.

“Sorry ka nalang girl dahil hindi mo pwedeng pakasalan ang lolo namin!”

“At bakit naman?” tinapatan ni Mama Rene ng katarayan ang katarayan ng mga kaharap nila. “Bakit hindi pwedeng magpakasal si Romina at si Don Ronald? Dahil ba sa mahirap lang si Romina?”

“Tanga!” Sigaw ni Vicky.

“Hindi pwedeng magpakasal ang papa dahil hindi pa inaaprubahan ng korte ang divorce nila ni Melchora Aquino!”

Apparently ay ikinasal pala si Don Ronald kay Melchora Aquino noong 12 years old palang ang lalaki habang si Melchora Aquino naman ay 89 years old. Naging masaya naman ang pagsasama nila. Sa katunayan nga ay nagkaroon pa sila ng pitong anak. Hindi lang sigurado si Don Ronald kung ang bunso niyang anak kay Tandang Sora ay kanya nga ba o kay McArthur. Hindi rin maisasakatuparan ni Romina ang plano niya na pakasalan ang don dahil sa kasalukuyan itong nasa Europa at nagpapagamot sa mga espesyalista ng kabag.

***

“Bueno,” biglang nagsalita si Vicky. “Romina yamang nandito ka na rin lang ay tatanggapin ka na rin namin. Kailangang-kailangan din naming kasi ng tao dahil magaganap bukas ang isang importanteng piging dito sa bahay. Maraming bisita ang pupunta dito bukas para sa 100th birthday ng papa kaya naman magiging abala talaga kaming lahat. Mabuti at nandito ka na rin pati yang kasama mong baklang makapal ang gums para makatulong. Kapag maganda naman ang performance mo bukas ay baka maging regular maid ka na dito.”

“Maraming salamat po,” tugon ni Romina.

“At saan naman ang magiging kwarto namin, aber?” mataray na tanong ni Mama Rene.

“Aba! Demanding ang baklang ambisyosa na ‘to,” nagngingitngit na bulalas ni Vicky.

“Naman!” mataray na sagot ni Mama Rene na sinabayan pa ng paghampas sa kanyang hita at pagasayaw ng spaghetti pataas, pababa. Hindi naman nagpadaig ang mag-iina na sumayaw ng Body Language with matching feather boas at mga confetti.

“Anong kaguluhan ito?” malakas na tanong ng isang babae na pababa sa hagdan. Namangha si Romina sa nakita niyang kagandahan ng babaeng iyon. Matahimik lang na nakatingin ang lahat sa dahan-dahang pagbaba ng babae.

“Vicky anong nangyayari dito?” taas kilay na tanong ng babae.

“Ah, wala naman Kitty…” natatarantang sagot ni Vicky. “Siyanga pala ito nga pala ang bago nating Maid, si Romina at ang isa namang ito na kulay violet ang gums, makapal ang kalyo ng labi at mistulang lungga ng talangka ang ilong ay ang kaibigan niyang bakla.”

Mataray na sinukat ng tingin ni Kitty si Romina.

“Romina, ito nga pala si Kitty, ang fiancée ng papa.”

Daig pa ni Romina ang pinagsakluban ng langit. May fiancée na pala ang matandang gusto sana niyang mapangasawa.

“F-fiancee?” nangangatal na tanong niya.

“Oo,” diretsahang sagot ni Kitty habang nagsisindi ng sigarilyo. “Ako nga ang mapapangasawa ng matandang hukluban na may kabag at mukhang laging dinadalaw ng usog na iyon. Ako ang nakatakda niyang pakasalan kaya pwede ba, itigil mo na ang ilusyon mo na makakapangasawa ka ng mayaman! Sa pusali ka nababagay!”

“PAK!” malakas ang sampal na iginawad ni Kitty sa mukha ni Mama Rene.

“Ouch! Bakit mo ako sinampal?” tanong ni Mama Rene na bumagsak sa sofa.

“Wala naman nangangati lang ang palad ko at mukhang maaligasgas yang mukha mo,” mayabang na sagot ni Kitty.

“How dare you!” hindi napigilan ni Romina ang manggalaiti.

“Aba lalaban ka?” nanghahamong tanong ni Kitty na pinapaikot-ikot sa kamay ang hawak na balisong.

Biglang natauhan si Romina. “Sorry po maam.”

“Hmp! Mabuti naman at marunong kang lumugar. Ano pang hinihintay ninyo, umalis na kayo sa harapan ko! Pronto!” nakapamewang na sigaw ni Kitty.

***

Hindi naging madali ang paninilbihan ni Romina sa masiyon ni Don Ronald Walang ginawa ang kanyang mga among babae kundi pahirapan siya lalong-lalo na si Kitty na mabigat ang loob sa kanya. Makailang beses na siyang ipinahabol sa Doberman ni Kitty at ilang beses na siyang pinaluhod sa munggo sa simpleng pagkakamali lamang katulad ng pagkakamaling maibuhos sa baso ng red wine ni Kitty ang isang garapon na panglinis ng silver. It was an honest mistake. Napaka liit na kasalana ay hindi nalang magawang mapatawad ni Kitty. Ano ba naman yung ma-confine siya sa ospital ng limang linggo diba? Pati kay Bimbee Josh, ang batang matambaka ay pahirap din ang inaabot ni Romina. Sa totoo ay mabait naman si Bimbee Josh, yun nga lang hindi lang niya mapigilan ang instinct niya na manakit ng tao. He can’t help it. He was born this way. Alam ni Romina na walang kasalanan si Bimbee Josh kung bakit siya abnormal. Ang ina niyang mahilig sumakay sa ferris wheel at roller coaster noong kabuwanan niya ang may kasalanan kung bakit nagkaganun si Bimbbe Josh. Tama bang mag-bungee jumping si Cris Aquino Yep kahit na pumutok na ang panubigan niya? Talagang si Cris ang may kasalanan kung bakit mahilig sa pepper spray ang anak niya at mahilig siyang manulak ng taong nakaupo sa wheel chair sa hagdan.

            Pati ang kambal na si Hurt at Solemn ay may kanya-kanyang saltik din. Si Hurt mahilig makipag date sa mga Brazilian-Japanese psyco killers na nagpapanggap na model sa Pilipinas. Habang si Solemn naman ay habit na ang magsuot ng sexy at mga revealing outfits. Wala naman sanang problema dun eh. To each his own nga diba. Eh kaya lang ang siste, hindi sa katawan niya sinusuot ang revealing outfits niya kundi sa loob ng sapatos niya. Tama bang umattend ka ng binyag ng ampong triplets na call boys ni Kuya Diyerms ng naka sapatos lang? Okay lang sana kung mag-isa ka lang na nakasapatos lang, kaya lang ganoon na rin ang outfit ni Kuya Diyerms eh – nakasapatos na pang Ronald McDonald lang si kuya Diyerms at naka pulang panty hose sa binyag ng kanyang mga ampong callboys!

***

Dumating ang gabi ng engrandeng kasayahan. Lahat ng muchacha sa mansiyon ni Don Ronald ay abalang-abala sa paghahanda para sa kanilang mga mayayaman at mga bisitang alta. Bali-balita pa nga na dadalo si Queen Elizabeth at Prince Charles pati na ang sultan ng Brunei at ang prinsipe ng Monaco at si Barack Obama. Dadalo din ang mga kilalang pulitiko at mga artista sa Pilipinas. Venetian Masquerade ang tema ng party kaya umuulan ng ball gowns at mga ostentatious masks. Ang mga lalaki ay pawang mga nakasuot ng tuxedo. Needless to say, nakakasilaw ang kinang ng mga alahas na suot ng lahat ng naroroon. Umaalingawngaw ang tugtugan, ang masayang usapan at ang halakhakan na para bang walang katapusan. Ganito ang buhay ng mga mayayayaman, isang buhay na pinapangarap ni Romina. Pero ganito ba talaga ang gusto niya. Sa ganito ba siya sasaya? Makakaya ba niyang mabuhay na katulad nila – engrande, sunod ang lahat ng layaw, makinang, puro party at kasiyahan, sosyalan, plastikan, siraan, inggitan...kaya ba niya? Habang iniisip niya iyon ay biglang nilamon siya ng pangungulila. Sa kabila ng kinang, sa kabila ng halakhakan, ng masaganang pagkain at inumin, ng tugtugang malamyos at ng walang pagsidlang karilagan hindi mapigilan ni Romina ang hanap-hanapin ang simpleng buhay na kinagisnan niya. Nagbalik sa kanyang alaala ang masayang tahanan na salat man sa ginhawa at least doon nagmamahalan sila.

Hindi siya makahinga. Naninikip ang dibdib niya kaya naisipan niyang lumabas muna sa garden. Nakahanap siya ng upuan sa isang tago at madilin na bahagi ng garden, malayo sa mansiyon. Nakatitig siya sa malawak na flower garden sa gitna ay isang gazebo na balot ng ilaw. Napabuntong-hininga siya. Hindi niya namalayan na dumadaloy ang luha mula sa mga mata niya. Tahimik lang siya. Tahimik na ibinuhos ang kalungkutan niya. Habang tahimik siyang lumuluha mag-isa hindi niya namalayan ang paglapit ng isa pang tao sa kinauupuan niya. Nakatayo ito sa tabi niya. Saka lamang niya napansin na may ibang tao nang mapansin niya ang isang kumpol ng mga bulaklak sa harap niya – mabangong mga rosas…na kulay itim. Bigla siyang napatayo. Bago pa niya maitanong kung sino ang lalaking iyon ay parang kidlat na itong kumilos. Itinaas ng lalaki ang baba niya pagkatapos ay banayad siyang hinalikan. Parang isang panaginip iyon na natapos sa loob lamang ng ilang segundo. Naiwan siyang nakatayo, nakapikit, uhaw. Pagdilat niya ay nakita na niyang naglalakad papalayo ang lalaki.

Mabilis na hinabol ni Romina ang lalaki. Nais niyang makita ang mukha ng lalaking nagbigay sa kanya ng mababangong itim na rosas – ang lalaking humalik sa pisngi niya habang mag-isa siyang umiiyak sa isang madilim na sulok ng hardin.

Kahit anong bilis ng pagtakbo ni Romina ay hindi niya magawang paliitin ang distansiya nila ng lalaking nakatalikod sa kanya. Hindi niya iwinaglit sa paningin niya ang lalaki. Ngayon ay bumababa na ito sa baitang ng Patio pababa sa malawak na flower garden ng mansiyon. Sa gitna ng mababangong bulaklak na iyon ay naglakad ang lalaki. Si Romina naman ay humahabal mula sa likod niya. Umihip ang malakas at malamig na hangin. Kasabay niyon ay ang pagtangay ng hangin sa mga talulop ng mga bulaklak. Sa gitna ng ulap ng mga pula, puti, dilaw, biyuleta, asul, berde, at itim na talulop ay kapwa tumigil sila sa pagkilos.

Kinakabahan na nagsalita si Romina. Sa umpisa ay mahina, “sandali lang…sandali.” Nagbara ang lalamunan niya mula sa emosyong pilit niyang pinipigilan. Hindi pa rin lumingon ang lalaki. Muling nagsalita si Romina, ngayon ay mas malakas na.

“Bakit mo ako binigyan ng bulaklak?”

“Because you were lonely.”

“Itim na rosas?”

“Yes. Because it’s my favorite.”

“Bakit?”

“It reminds me of someone…someone from my distant past…someone who was lonely and sad and beautiful like you.”

“Bakit mo ako hinalikan?”

“Hindi ko alam.”

Napansin ni Romina na kakaiba ang punto ng lalaki sa pagsasalita ng tagalog.

“Pwede ba iyon?”

“Katatapos ko lang gawin hindi ba? Katatapos lang kitang halikan kahit hindi ko alam kung bakit. Gusto mo ulitin natin para malaman mo na pwede nga?”

Kumabog ang dibdib ni Romina. Kakaiba ang dulot na sensasyon sa kanya ng boses ng lalaki. Parang hindi siya kundi ang puso niya ang kinakausap nito. At ang puso naman ng dalaga, na parang naiintindihan ang bawat salitang lumalabas sa bibig ng lalaki, ay sumasagot sa pamamagitan ng awit. Noon lang narinig ni Romina na umawit ang puso niya. Hindi niya alam kung paniniwalaan ba niya na naroon siya nakatayo kausap ang isang lalaking noon lang niya nakilala pero parang ang tagal nang kabahagi ng buhay niya. Paanong nararamdaman niya na para bang parte siya ng kabuuan ng lalaking iyon? At paanong nararamdaman niya na ang lalaking iyon, na hindi pa niya nasisilayan ang mukha, ang kukumpleto sa buhay niya? Bakit unti-unti siyang nilalamon ng pagnanasa na tumakbo palapit sa lalaking iyon at yakapin ito. At bakit hindi niya mapigilan ang pag-agos ng luha mula sa kanyang mga mata?

Mula sa di kalayuan ang narinig ni Romina ang sunud-sunod na putok na mabilis na sinundan ng liwanag sa langit na samu’t-sari ang kulay. Fireworks. Hindi alam ni Romina kung matatawa siya sa timing ng fireworks na iyon.

“Sino ka?” usal niya.

Hindi malaman ni Romina kung ano ang gagawin niya sa mabilis na pagtatambol ng puso niya. Habang inaamnunan sila ng liwanag na nagmumula sa fireworks ay nakita niya ang unti-unting pagharap ng lalaking iyon.

Nang gabing iyon, natapos ang labing-siyam na taong paglalakbay ng puso ni Romina. Natagpuan na ng kanyang puso ang tahanan nito. At kahit kailan, hanggang sa pagwawakas ng panahon alam ni Romina na hindi makakalimutan ng puso niya ang tagpong iyon. At ang mukhang iyon, na bahagyang nakangiti habang samu’t-saring kumikinang na liwanag ang dumadampi dito…ang mukhang iyon…ay nakatatak na sa puso niya.
















    Leave a comment