Mga Baliw na Manunulat

Love Letter and Chuckie
(Chapter 2)

Akda ni: Sunpriestess




   


       
  

Pagkatapos ng unang pagbibigay ng love letter ay nagpatuloy si Lira ng pagbibigay ng love Letter kay Clarence. At sa bawat pagkakataong iyon ay laging pumapalpak si Lira ng hindi niya nalalaman. Mabuti na lamang at naandoon si Brian para iligtas ang kanyang mga naliligaw sa linyang love letter. Ang problema lang ay bago ilagay ni Brian ang mga love letter sa dapat nitong kalagyan ay binabasa muna niya kung anong nakasulat. Hindi maintindihan ni Brian pero parang naadik siya sa mga korning sulat ni Lira. Wala naman talaga siyang hilig makialam ng buhay ng buhay pero nakuha ng dalawa ang kanyang interes. Lalo na at nakikita niyang mukhang laging masaya si Clarence pagkatapos mabasa ang mga sulat. Naisip niyang marahil ay naiinlove na si Clarence sa lumikha ng mga sulat na si Cookie Girl na walang iba kundi si Lira.

Isang hapon, tapos na ang klase, papasok na sana si Brian sa silid-aralan ng muli niyang maabutan si Lira sa kwarto na may hawak na sulat. Halata sa mukha nito ang pagkalito. Mukhang hindi ito makapagdesisyon kung ilalagay muli ang sulat sa bag ni Clarence. Hanggang sa marinig niyang tinatanong nito ang sarili kung nagugustuhan ni Clarence ang mga sulat niya. At sa huli ay nakapagdesisyon itong alamin kung ano ang reaksiyon ni Clarence sa mga sulat nito.

Nakita ni Brian si Clarence na paparating mula sa kabilang panig ng corridor. Sinadya niyang batiin si Clarence ng sa ganoon ay mabigyan ng babala si Lira.

“Uy Clarence! Kumusta ang pinakamatalinong estudyante sa paaralang ito? Long time no see ah!” Bati niya sa lalaki. Mula sa gilid ng kanyang mga mata ay nakikita niyang natataranta ang babae at hindi magkaintindihan kung saan magtatago hanggang sa pumunta ito sa teacher’s table at nagtago sa likod.

“Paano mo naman ako makikita eh lagi kang napapalabas ng classroom. Ayusin mo kaya ang buhay mo pare hangga’t maaga pa. Alam ko namang matalino ka ayaw mo lang gamitin sa tamang paraan”sagot nito sa kanya.

“Ouch! That hurt’s naman pare. Wala namang ganyanan. Ngayon na nga lang tayo nagkita at nagkausap eh”Ganti niya.

Ngumiti lang si Clarence at pumasok na sila sa classroom. Kinuha ng lalaki ang bag nito at mula roon ay nalaglag ang sulat ni Lira para dito. Nakita ni Brian na nalaglag ang sulat malapit sa pinagtataguan ni Lira at kapag nagkataon ay makikita ni Clarence ang dalaga. “Kahit kailan palpak talaga sa diskarte itong si Genious Girl” nasabi ni Brian sa sarili. Agad siyang kumilos at kinuha ang sulat. Alam niyang kinakabahan ang babae na makita ito lalo na at alam nitong nalaglag ang sulat malapit sa pinagtataguan nito. Patunay na ang magkasalikop na mga kamay nito habang nagdadasal. Napangiti siya pero nagkunwaring walang nakita.

“Wow ano ito pare? Love letter? Naks! Malakas ka talaga sa mga babae pare!” Binuksan niya ang sulat at bago pa naagaw ng lalaki sa kanya ang sulat ay nabasa na niya ang nilalaman noon.

“Hands off pare!” galit na sabi ni Clarence kay Brian.

“Uy! Nagagalit ka? Bakit parang mahalaga sa iyo ang sulat na iyan? Cookie Girl sino kaya iyan?”tanong ni Brian.

“Talagang mahalaga sa akin ang mga sulat na ito. Dahil kung sakali mang makikita ko ang nagsulat nito ay tutugunan ko ang pagibig na inilalaan niya”sagot ni Clarence.

“Meaning ! Sasagutin mo na ang walang mukhang babaeng nanliligaw sa iyo?” muling tanong niya.

“Oo. Nakakatuwa hindi ba pare baligtad na nga ata ang mundo! Nabasa mo naman ang sulat na ito hindi ba? Maaaring corny siya pero para sa akin ay hindi ko maaaaring pagtawanan ito dahil  nararamdaman ko ang pagmamahal ng kung sino mang nagsulat nito kaya sana magpakita na siya” muling sagot ni Clarence.

Mula sa likod ng mesa ay narinig ni Lira ang usapan ng dalawang lalaki. At masaya siyang malaman na may pag-asa ang kanyang pagtingin. Hindi niya alam kung ano ang magiging reaksiyon ni Clarence kapag nalaman nitong ang kanyang karibal ang nagbibigay ng sulat sa kanya pero kailangan niyang sumugal, bukas ay magpapakita siya sa lalaki at magpapakilala bilang Cookie Girl.

Samantala, alam ni Brian na natutuwa si Lira sa mga naririnig at hindi niya mapigilan ang mapangiti. Ng makaalis si Clarence ay lumabas na rin siya ng kwarto. Alam niyang kailangan ni Lira ng panahon para mailabas ang kasiyahang nararamdaman nito.









    Leave a comment