Mga Baliw na Manunulat

Ang Diary (Part 5)

By: Caddy Mitchy Duzon




 
“Maam, hindi na ako magtatagl dito.” sumunod ang katulong nila sa kwarto ni Melanie.

“Bakit?” nagtatakang tanong ng umiiyak na Andrea at gimbal na Melanie. Pareho silang natigilan.

“Eh kasi ho, simula nang mamatay ang mommy ninyo, at si Marissa at PJ, palagi ko silang nakikita dito sa kwarto ni Melanie! Naiipon sila dito. Tapos kanina po nakita ko si Lisette, pumasok dito, tumagos sa pinto!” nanghihilakbot na paliwanag ng kanilang katulong.

“Maski huwag ninyo na ho akong bigyan ng sahod. Payagan ninyo lang akong umalis.”

“Manang, wag ka namang magbiro ng ganyan.” Takot na rin si Andrea.

Biglang nagpatay-sindi ang ilaw. Nagsigawan silang tatlo.

“Andrea anong nangyayari?!” tanong ni Melanie. Nakayakap silang dalwa sa katulong nila. Lumabas sila ng kwarto, akay-akay ni Andrea si Melani. Nakita nila ang mga kaluluwa ng mga namatay – ang kanilang mommy, si Lisette, si Marissa, PJ at ang nanay ni Melanie.

 “Melanie, anak, sumama ka na sa amin.” Nasalita ang kanyang ina.

Humangin ng malakas sa loob ng bahay. Nabasag ang mga vases ay nahulog ang mga picture frames. Mistulang Christmas light ang ilaw, patay-sindi ito. Papalapit na ang mga kaluluwa kay Melani, pilit siyang inaabot. Nagdasal ang katulong nila. Nawala ang aparisyong nakita nila. Patuloy parin silang nagsigawan. Waring walang katapusan ang pagsigaw nila. Bumalik sa normal ang lahat ngunit magulo ang buong bahay.

Kumunsulta sila ng albularyo na galing pa sa probinsya.

“Hawak ni Melanie ang sagot sa lahat ng problemang ito,” wika ng albularyo.

“Kunin mo,” pagpapatuloy ng albularyo. Tumalima si Melanie. 

“Andrea samahan mo ako. Kunin natin ang diary sa loob ng kwarto ko.” ani Melanie. Sinamahan ni Andrea ang kanyang pinsan. Kinuha ni Melanie ang diary sa ilalim ng knyang unan.

“Paano mo..?” naputol ang tanong ni Andrea

“Ssssshhhh….. hindi ko rin alam ang sagot,” wika ni Melanie.

Ibinigay nila ang diary sa albularyo.

“Malakas ang espiritu ng kadilimang namamahay sa diary na ito.” Wika ng albularyo. “Kailangan itong sunugin,” pagpapatuloy niya.

“Pero sinunog ko na po iyan.” Wika ni Melanie.

“Nakita mo ba nang sinunog mo ito? “ tanong ng albularyo.

“Hindi po,” maikli niyang sagot.

“Kailangang punitin ang mga pahina ng diary na ito at isa-isang sunugin.”

Nagtungo sila sa likod bahay nina Andrea upang doon gawin ang planong pagsunog ng diary.

“Ito ang binabalikan ng mga taong namatay. Gusto nilang sirain ito upang hindi na makakuha ng iba pa. Kaya nandito ang kaluluwa ng mommy mo Andrea, ang nanay mo Melanie, si Lisette, Marissa at PJ malinis ang hangarin nila. Gusto nila kayong iligtas. Gusto nilang kunin ang diary. Subalit hindi nila magawa kaya ikaw, Melanie ang gusto nilang isama. Sa paraang iyon ay mapuputol ang sumpa ng Diary na ito,” mahabang paliwanag ng albularyo.

Nagdasal sila. Dinasalan nila ang buong bahay nina andrea, ang bahay nina Marissa at PJ, ang kwarto ni Melanie, at ang Diary. Gumagawa ng ritwal ang albularyo. Lumalamig ang paligid. Ramdam nila ang kakaibang hangin na yumayakap sa kanila. Inumpisahan ng albularyo ang pag punit sa mga pahina ng diary. Kalahati na ang nasusunog ng bigla itong nahulog, at nabuklat mag-isa.

“Hindi kayo magtatagumpay! Hindi ninyo ako kaya!!!!”

Nakasulat sa pulang likido ang mga titik. Lumutang ang diary. Pinigilan ito ng albularyo. Nagtulungan sila upang hindi makawala ang diary. Dumating ang pari. Winaksian niya ang diary ng agua bendita.  Sa bawat pagpatak ng agua bendita sa diary ay boses lalaki ang naririnig nila. Sumisigaw ito na waring nasasaktan. Ilang ulit pa ay bigla itong naglaho, naglaho ang pagsigaw ng boses lalaki. Tila bulak na lumapag ang diary, lahat sila ay pasubsob na nadapa sa sahig. Ipinagpatuloy nila ang pagsunog sa diary.

Napag-alaman nilang ang diary na iyon ay may sumpa. Ipinagtanong nila kung saan galing ang diary na iyon. Bumalik sila sa bahay ng kanilang abuela upang tanungin ang kanilang lolo.

“Ang diary na iyon ay ipinamana sa inyong lola. Pinaniniwalaang may kapansanan ang ninuno ng lola niyo, kung kaya wala siyang kaibigan, tanging mga kamag-anak lamang niya ang nakakasama niya. Sapagkat bulag ang ninuno ng lola niyo. Hindi siya nakakakita, ngunit ang ipinagtataka namin ay kung pano siya nakapagsulat. Maaring sinaniban siya ng masamang espiritu ng mga panahong iyon at ginamit ang kanyang kahinaan, sapagkat ang taong nag-iisa ay lapitin ng mga demonyo. Sa pagkakaalam ko ay sinunog na rin ang diary na iyon dati kaya ang alam ko’y wala na ito.malamang hindi sapat ang kapangyarihan ng taong sumunog nito noon.”

“Ngunit iba ang kaso mo Malanie. Malakas ang pananalig mo si Diyos. Kahit BULAG ka ay nagawa mong mabasa ang laman ng diary. Hindi mo nga lang nabigyan ng babala ang mga tanong nasangkot dito.”

At iyon ang tanong na bumabagabag sa lahit maging kay Melanie. Hindi kapani-paniwala na sa kabila ng pagiging bulag niya ay nagawa niyang mabasa ang laman ng Diary.

“Maniwala nalang kayo sa akin. Dahil hindi rin kayo maniniwala sa akin kapag sinabi ko kung paano ko nalaman ang mga ito.” Naalala ni Andrea and sinabing ito ni Melanie nang araw na mabigyan ito ng babala sa pagpunta nila sa birthday party sa bahay nina Marissa. Nawa’y naputol na ang sumpang bumabalot sa misteryo ng Diary.






WAKAS











    Leave a comment